Home HOME BANNER STORY Indonesian President Widodo nasa Pinas na para sa 3-day official visit

Indonesian President Widodo nasa Pinas na para sa 3-day official visit

MANILA, Philippines- Dumating na sa Pilipinas si Indonesian President Joko Widodo, Martes ng gabi, para sa 3-day official visit na naglalayong palalimin at palakasin ang bilateral ties sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.

Dumating ang eroplanong may lulan kay Widodo ng alas-8:05 ng gabi sa Maharlika Presidential Hangar sa Villamor Air Base sa Pasay City kung saan ay mainit siyang tinanggap ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas.

Kabilang sa mga sumalubong kay Pres. Widodo sina Ambassador of the Republic of Indonesia, H.E Agus Widjojo at Madame Ranny Moerni Cahyani kasama sina Defense Attaché Col. Bambang Wijonarko at Fransisca Donna Carmelita.

Present din sa pagdating ni Widodo sina Secretary Carlito Galvez, Philippine Ambassador to Indonesia, Ambassador Gina A. Jamoralin, Undersecretary Reichel P. Quiñones at Pasay City Mayor Imelda G. Calixto-Rubiano.

Sa kabilang dako, nakatakda namang makipagpulong nina Widodo at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw ng Miyerkules, Enero 10, sa Palasyo ng Malakanyang para pag-usapan ang progreso ng Philippine-Indonesia relations.

Matatandaang binisita ni Pangulong Marcos ang Indonesia noong Setyembre ng nakaraang taon. Kapwa ang Pilipinas at Indonesia ay founding Members ng ASEAN.

“It is also remarkable that the two nations are close neighbors and partners enjoying a longstanding and robust collaboration in various areas in political, economic, and people-to-people relations,” ayon sa Malakanyang.

Nakatakda namang ipagdiwang ng Pilipinas at Indonesia sa Nobyembre ang ika-75 taong anibersaryo ng kanilang formal diplomatic relations.

Inaasahan naman na mananatili sa Pilipinas si Widodo hanggang araw ng Huwebes, Enero 11, 2024. Kris Jose

Previous articleLotto Draw Result as of | January 9, 2024
Next articleTraslacion 2024 mapayapa – NCRPO