Home OPINION INGAT SA BOEING PLANES

INGAT SA BOEING PLANES

SUNOD-SUNOD ang hindi magandang nagaganap sa mga pampasaherong eroplanong gawa ng United States, partikular ang Boeing planes.

Sa Pilipinas, tanging ang Philippine Air Lines ang may Boeing planes habang pawang Airbus planes ang gamit ng Cebu Pacific at Air Asia.

Hindi natin sinisiraan ang Boeing planes at ang PAL.

Pero dapat pansinin ang mga nagaganap sa mga eroplanong Boeing ngayon para na rin sa kaligtasan ng lahat ng pasahero.

BIKTIMA SI US SEC. OF STATE BLINKEN

Pinakahuling biktima ng pagiging depektibo ng Boeing planes si United States Secretary of State Antony Blinken matapos dumalo sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland.

Hindi sumakay sa eroplanong Boeing 737 na pagmamay-ari ng gobyernong US kundi sa isang mas maliit na eroplano nang umuwi ito.

May depekto ang Boeing 737 niya ngunit hindi klaro ito sa publiko.

‘Pag hindi napansin ang mga depekto, bahala na kayong mag-isip kung ano sana ang nangyari kay Blinken at lahat ng mga kasakay niya.

NAUNANG MGA DEPEKTO

Bago ang kaso ni Blinken, magkakasunod ang mga eroplanong Boeing na nagkadepekto habang nasa ere.

Kabilang sa mga pinakahuli ang pagkakaroon ng bitak sa salamin sa harapan ng mga piloto ng All Nippon Airways Boeing 737-800 habang lumilipad sila galing sa Sapporo New Chitose Airport patungong Toyama.

Dahil dito, mabilis na pinabalik ang eroplano sa New Chitose Airport at wala namang naiulat na nasaktan sa mga crew at pasahero nito.

Nauna rito, nasibakan ng pintuan na bahagi ng fuselage ang Alaska Airlines Boeing 737 Max 9 habang lumilipad naman sa Oregon at dahil dito nag-emergency landing ito sa isang airport.

Mabuti na lang umano at nasa 16,000 piye pa lang umano ang taas nila mula sa lupa at nakakabit pa ang mga seatbelt ng mga pasahero.

Kapag nangyari umano iyon sa 30,000-35,000 piye sa ere na wala nang seatbelt at naglalakad na ang mga pasahero para umihi o dumumi at iba pa at nangyari iyon, napakalaki umano sanang disgrasya ang naganap.

Sa reklamong isinampa ng ilang pasahero laban sa Alaska Air Lines at Boeing company, kabilang sa mga naranasan nila ang mga sirang air mask, pagdurugo ng tainga at halos mamatay sa nerbiyos.

Sa imbestigasyon, mga nagluwagan na tornilyo at metal fatigue o gasgas o crack ng mga bakal ang dahilan.

DAAN-DAAN NAMATAY SA 2 CRASH

Pinakamalagim na disgrasya ang inabot ng Lion Air sa Indonesia noong Oktubre 2018 at Ethiopean Air Lines noong noong Marso 2019.

Basta na lang nagdayb ang mga ito habang lumilipad sa ere at nakitang ang sistemang kontrol sa paglipad pataas at pababa ang naging dahilan dito.

Lahat ng 365 pasahero, piloto at crew ang namatay.

Eh, anak ng tokwa, sino naman ang mabubuhay niyan?

Kaya naman, kung alam mong Boeing ang eroplanong nasakyan mo at no choice ka, magdasal ka na at alamin ang mga pupwedeng gawin kapag nagkaaberya.

Previous articleTRANSWOMEN KINAKATAY SA MEXICO
Next articleShear line babayo pa rin sa Vis-Min