Home METRO Ingat-yaman ng barangay at paslit na anak, patay sa ambush

Ingat-yaman ng barangay at paslit na anak, patay sa ambush

COTABATO CITY- PATAY ang isang barangay treasurer at 2-anyos nitong anak na babae matapos silang tambangang at pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek nitong Biyernes sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Treasurer Mhaez Mamantal, ng Barangay Bagua Mother, Cotabato City, at anak nitong si Norlyn, 2.

Batay sa report ng Cotabato City Police Precinct 2, bandang 6:00 PM nang maganap ang krimen sa Oblates Drive Barangay Rosario Heights 7, ng nasabing lungsod.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Mahez ang mini van galing bangko at pauwi na sana ang mga ito sakay ang anak at isang Saddam Mamantal.

Pagdating sa naturang lugar ay bigla na lamang silang pinagbabaril ng mga suspek dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela ang biktima at nahulog ang mga ito sa kanal na naging sanhi ng agaran pagkamatay ng mag-ina.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek. Mary Anne Sapico