Home OPINION INIWANG PARANG BASAHAN

INIWANG PARANG BASAHAN

KALUNOS-LUNOS ang natagpuang eksena ng tropa ng Army’s 23rd Infantry (Masigasig) Battalion sa may Buenavista, Agusan del Norte. Isang miyembro ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF ang duguan at tila basahang iniwan na lang ng kanyang mga kasamahan nang napaslang ito sa isang enkwentro.

Ang kwento ng ating mga sundalo, marami pa ang bakas ng dugo sa lupa na tila may iba pang sugatang NPA fighters na kanilang nakalaban at tumakas tangay-tangay ng mga kasamang rebelde bukod sa isang bangkay na iniwan na lamang.

Ang enkwentro nga raw ay naganap noong January 16, sa kagubatan na lugar ng Sitio Calaitan, Brgy. Simbalan, Buenavista, Agusan del Norte. Tatlong high-powered firearms pa ang na-recover sa lugar.

Sabi nga ni Lt. Col. Jeffrey Balingao, Commanding Officer ng 23rdIB, ang enkwentro ay dahil na rin sa impormasyon ng mga residente sa lugar na ang  mga NPA ay nangingikil sa kanila at gumagawa ng karahasan kapag di sila makapagbigay. Kaya naman rumesponde ang mga sundalo at natiyempong magkaroon ng enkwentro.

Hindi na bago ang mga ganitong sumbong. Ang pangingikil kasi ang kabuhayan ng CPP-NPA-NDF sa mga kanayunan, samantalang ang kanilang mga lider ay kasasarap ng buhay sa kamaynilaan at ang iba pa nga ay nasa ibang bansa.

Ang masaklap, ang mga recruit na NPA fighters, karamihan ay kabataang may maganda sanang kinabukasan. Hihimuking sumali bilang militante, pagkatapos ay gagawing panlaban sa militar.

Gaya nitong iniwan na lamang na parang basahan na kanilang kasamahan, nasayang lamang ang buhay sapagkat hindi man lang tinangay para maibalik sa kanyang mga mahal sa buhay para mabigyan ng disenteng libing.

Marami pa tayong mababalitaang ganitong mga engkwentro dahil desidido na ang pamahalaan na wakasan ang lahat ng klase ng rebelyon na tanging idinadahilan ay kahirapan.

Iyon ngang mga sumusuko o nagbabalik-loob sa pamahalaan ay nabigyan pa ng kabuhayan, paanong kahirapan ang kadahilanan na kanilang sinusulong?

Seryoso ang pamahalaan na ngayon ay pinamumunuan na ng Administrasyong Marcos na makamtan ang kapayapaan para bigyan daan ang kaunlaran.

Sasama ka pa ba sa kilusang kamatayan lamang ang kalalabasan? Hindi pa ba sapat na halimbawa ang napaslang na iniwan na lamang na parang basahan?

Previous article‘ASSET’ NG PNP SI  SGT PAQUITO CHAN
Next articleLotto Draw Result as of | January 26, 2024