Insentibo para sa online entrepinoys, hindi dagdag na buwis – Win

Insentibo para sa online entrepinoys, hindi dagdag na buwis – Win

June 22, 2020 @ 2:35 PM 3 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Sa halip na patawan ng buwis, hinimok ni Senador Sherwin “Win”  Gatchalian na tulungan ang mga maliliit na online entrepinoys sa bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng dagdag na puhunan at iba pang tulong pinansiyal para mapalago ang kanilang negosyo.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, dapat isama ang mga online sellers sa microfinancing program ng Small Business Corporation (SB Corp.) upang mabilis na makabangon sa krisis na dulot ng pandemiya.

Ang SB Corp ay isang Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ang SB Corp ay naglaan ng isang bilyong pisong Enterprise Rehabilitation Financing facility sa ilalim ng Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (COVID-19 P3-ERF) upang umagapay sa mga maliliit na negosyo o micro and small businesses.

Ang SB Corp microfinancing program ay nag-aalok ng mababang interes na hindi hihigit sa 2.5% kada-buwan at hindi nangangailangan ng kolateral.

Ang mga micro enterprise na may pag-aaring hindi hihigit sa 3 milyong piso ay maaring umutang ng sampung libong piso (P10,000) hanggang dalawang daang libong piso (P200,000).

Samantala, ang mga negosyong tinaguriang small enterprises naman na may pag-aaring hindi hihigit sa sampung milyong piso (P10 million) ay maaring umutang ng hindi hihigit sa limang daang libong piso (P500,000).

Maliban sa pagbibigay ng kapital, sinabi ni Gatchalian na dapat gamitin ng DTI ang Philippine Innovation Law upang lalong maging competitive ang online sellers.

Ang Philippine Innovation Law, na isinusulong ng Senador noon pang 17th Congress, ay naglalayong tulungan ang mga maliliit na negosyo o marginalized (micro, small and medium enterprises (MSMEs) na maging bahagi ng pandaigdigan at lokal na daloy ng produkto at serbisyo sa pamamagitan ng pag-innovate o pagpapabuti ng kanilang mga produkto o serbisyo.

“Ang DTI ay dapat magbigay pa nga ng puhunan sa mga Pilipino na nawalan ng trabaho at gustong makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagnenegosyo sa online. Sa ganitong panahon ng pandemya, mas magandang nasa tahanan lang sila at nag-nenegosyo. Nabibigyan pa nila ng trabaho ang mga delivery service riders,” ayon kay Gatchalian.

“Hindi lang basta ayuda ang hinihingi ng mga negosyanteng ito. Ang hinihingi nila ay malaya silang bigyan ng oportunidad na makapag-negosyo para may kita sila,” dagdag pa ng senador.

Kamakailan lamang ay kinastigo ni Gatchalian, Vice Chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa panukala nitong patawan ng buwis ang online sellers. Banat niya, ang galawang ito ay wala sa timing at insensitibo.

Pinuna din ni Gatchalian ang makalumang sistema ng pagpaparehistro ng negosyo sa BIR kung saan kinakailangan pang pumunta mismo sa ahensiya sa kabila ng panganib na dulot ng COVID-19. Ernie Reyes

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...