MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules na pinaiigting nito ang intelligence monitoring laban sa barangay officials na umano’y sangkot sa iligal na droga.
Sinabi ni PNP public information office chief, Brig. Gen. Redrico Maranan, na bahagi ito ng police efforts na tiyakin ang ligtas at maayos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
“Siyempre napakalaki ng epekto niyan doon sa kampanya na ginagawa sa paglaban sa illegal na droga sapagkat alam natin kapag ang isang namumuno ay may kinalaman sa illegal na droga, nawawala ng saysay yung ating mga pamamaraan at paglaban natin sa illegal na droga dahil maaaring siya ay nagiging protektor at naitatago niya yung mga impormasyon na dapat ay nakakarating agad sa mga law enforcement agency at sa ganun ay magamit sa mabilis na paghuli at pagbuwag sa sindikato ng droga,” pahayag ni Maranan sa isang panayam.
“We have this call because this will greatly help in our campaign against illegal drugs. Second, it would set a good example for their constituents,” dagdag niya.
Aniya pa, mahalaga ang pagpapalakas ng operasyon laban sa barangay officials na sangkot sa iligal na droga sa pagsisiwalat sa mga nais maupo sa gobyerno kahit na nagsasagawa ng mga iligal na gawain.
Ayon kay Maranan, matutulungan din nito ang PNP na mapigilan ang insidente ng karahasan bago sumapit ang BSKE dahil hindi umano lingid na ginagamit ng drug syndicates ang kanilang pera upang suportahan ang mga kandidato na pumapayag sa kanilang negosyo.
Sa kampanya ng nakaraang administrasyon laban sa iligal na droga mula July 2016 hanggang May 2022, may kabuuang 406 elected officials, karamihan ay barangay officials, ang naaresto dahil sa kanilang pagkakasangkot sa illegal drugs trade.
May kabuuang 533 government employees, kabilang ang barangays workers, ang nahuli rin. RNT/SA