Home OPINION ‘INTELLIGENCE’ NG ISRAEL SUMABLAY

‘INTELLIGENCE’ NG ISRAEL SUMABLAY

MARIING kinondena ng sanlibutan ang ginawang patraydor na pag-atake ng grupo ng Hamas sa mga Israeli kung saan daan-daang sibilyan ang nasawi, sugatan at pangingidnap ng iba pang hayagang paglabag sa international law.

Kaisa ng mga bansang nagtataguyod ng mapayapang pag-resolba ng anomang gusot, ang ‘Pinas sa pag-kondena sa Hamas na walang pakundangang umatake sa walang kamalay-malay na mga residente sa Southern Israel.

Bagaman binatikos din ng Palestine ang ginawang sunod-sunod na pambobomba ng Israeli army sa Gaza bunsod sa mga namatay at nasugatan dito subalit isinisi pa rin sa Hamas ang nangyari na nagsimula naman sa isang iglap na pag-atake nito sa mga Hudyo.

Ang hindi lang ngayon maunawaan ng mga higanteng bansa kagaya ng US kung paano naganap ang pambobomba ng Hamas na hindi namalayan ng Israel na itinuturing na isa sa may pinakamagaling na ‘intelligence group’ sa sanlibutan, ang Mossad.

Naalala niyo pa ba kung paano talunin ng bansang ito ang Egypt sa pinakamaikling panahon ng giyera kung saan sa loob lang ng limang araw ay pinasabog ng Israeli army ang puwersa armada nito dahil sa isang magaling maniktik na ahente ng Mossad na ginapang at inginuso ang nakaumang na mga missile ng kalaban na nakatago sa ilalim ng bundok?

Ito rin ang responsable sa matiyagang pagmamanman sa isang heneral ni Hitler sa Germany na utak ng pamamaslang sa milyon-milyong Hudyo kung saan binitbit ng mga ahente ng Mossad patungo sa Israel upang panagutin ng kanyang walang kapatawarang kasalanan.

Subalit tila sumablay ngayon ang “tagamasid” o maniniktik ng Mossad at hindi natunugan ang pag-atake ng Hamas na ayon kay US House Foreign Affairs Committee Chair Michael McCaul ay tatlong araw bago mangyari ang pambobomba ng Hamas, naamoy na ito ng Egypt.

O baka naman isinantabi lang ng Israel ang intelligence report ng Egypt dahil ayaw tanggapin nito na ang bansang tinalo nila sa limang araw na giyera ay inungusan na sila sa larangan ng paniniktik?

Ngunit sa kabila nito,walang dapat sisihin kundi ang Hamas na patalikod na umatake sa walang kamalay-malay na Israel sa gitna ng pandaigdigang batas na nagbabawal sa anomang walang dahilan na pagdeklara ng giyerang collateral damage naman ang mga nasasakupang sibilyan.

Previous articleSIGALOT SA GITNANG SILANGAN
Next articleLotto Draw Result as of | October 12, 2023