MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isusulong nito ang interes ng Pilipinas sa larangan ng enerhiya, pagkain at kalakalan sa kanyang magiging partisipasyon sa kauna-unahang Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (ASEAN-GCC) Summit sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa kanyang pre-departure speech sa Villamor Air Base sa Pasay City, sinabi ni Pangulong Marcos na ang summit ay ang tamang venue para isulong ang mga prayoridad ng Pilipinas, lalo pa’t ang ASEAN at GCC ay “very vibrant regions in terms of economic development for the globe.”
“It gives us, the Philippines, a unique opportunity to advance our priorities in ASEAN under the ASEAN-GCC framework, while forging closer cooperation between the two dynamic regional organization,” ayon kay Pangulong Marcos.
“This summit will serve as an important platform for the Philippines to highlight the need for cooperation in energy and food security, logistics, supply chains, digital [transformation], the free flow of goods, people, and services, as well as the enhancement and protection of the rights, of course, of our overseas workers,” dagdag na wika nito.
Titiyakin naman ni Pangulong Marcos na mayroon siyang “constructive engagement” kasama ang mga lider ng ASEAN at GCC leaders, sa pagsisikap na mapanindigan ang national interest at kapakanan ng mga Pilipino.
Bibigyang-diin din aniya ang kahalagahan ng “rules-based international order” para mapanatili ang kapayapaan, seguridad at katatagan sa rehiyon.
“I will meet with ASEAN and Gulf Cooperation Council leaders to discuss the challenges of major geopolitical developments, and the comprehensive and concrete enhancement of our security, our economic progress, and socio-cultural collaboration after more than thirty years of ASEAN-GCC relations,” pahayag niya.
Sa kabilang dako, nakatakdang makipagpulong ang Pangulo sa Filipino community sa Riyadh sa sidelines ng ASEAN-GCC Summit para personal na pasalamatan ang mga ito para sa kanilang “invaluable contributions” sa bansa.
Aniya pa, ibabahagi niya sa mga ito ang mahahalagang ‘developments’ sa Pilipinas.
Kabilang sa GCC nations ang Saudi Arabia, Oman, Qatar, Bahrain, Kuwait, at United Arab Emirates.
Ang mga bansang ito ay nagsisilbing tahanan ng 2.2 milyong Filipino na nagtatrabaho sa kritikal na larangan.
Ang ASEAN-GCC Summit ay tumututok sa endorsement ng balangkas ng pagtutulungan sa pagitan ng ASEAN at GCC.
Ito ang kauna-unahang summit na naglalayong paigtingin at i-optimize ang ugnayan sa pagitan ng dalawang regional organizations na itinatag noong 1990. Kris Jose