MANILA, Philippines -ARESTADO ng pulisya ang 42-anyos na Chinese national matapos mahuling bumibili ng shabu sa grupo ng kalalakihang sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga sa Caloocan City.
Tanging si Lin Rongshun, may kalive-in na Pinay, residente ng 35-F Quintin Paredes St., Binondo, Manila ang nadakip ng mga tauhan ni P/Maj. John David Chua, hepe ng Intelligence Section ng Caloocan City Police matapos magpulasan ng takbo ang grupo ng kalalakihan na kanyang ka-transaksiyon.
Base ulat na isinumite ni Caloocan City Police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr. nagsasagawa ng paniniktik ang mga tauhan ng Intelligence Section laban sa mga sangkot sa pagbebenta ng shabu nang makatanggap sila ng impormasyon dakong alas-3:40 ng madaling araw kaugnay sa grupo ng mga kalalakihan na nagbebenta ng shabu sa Phase 5, Solido St., Brgy. 176 Bagong Silang.
Nagtungo sa lugar ang mga operatiba at doon ay nakita nila ang pagkukumpulan ng mga kalalakihan kaya’t minanmanan nila ang kilos ng mga ito hanggang sa dumating ang dayuhan, sakay ng isang Toyota Avanza na may plakang DAH-1397.
Nang bumaba ang suspek, kitang-kita ng mga pulis ang ini-abot sa kanya ng isa sa mga kalalakihan na plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu, kaya’t kaagad silang kumilos upang dakpin ang mga kalalakihan pati ang suspek.
Sa puntong iyon, bago pa makalapit ang mga pulis nagpulasan na ng takbo ang mga kalalakihan pati si Lin subalit kaagad siyang nasukol ng mga operatiba habang bigo namang madakip ang mga kalalakihang nagbebenta ng iligal na droga.
Nakuha ng pulisya sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng 25 gramo ng shabu nasa na P170,000 ang halaga habang ini-impound rin ang kanyang minamanehong sasakyan na gamit niya sa pagbili ng shabu. R.A Marquez