Home OPINION IPINADAMA ANG DIWA NG PASKO SA MGA NASUNUGAN AT MAHIHIRAP NA PAMILYA

IPINADAMA ANG DIWA NG PASKO SA MGA NASUNUGAN AT MAHIHIRAP NA PAMILYA

PINANGUNAHAN ng Nash coffee ambassador at kapuso actor na si Joaquin Domagoso ang pagpapadama ng diwa ng Pasko sa 150 pamilya mula sa Fortune, Helping Complex at Happy Land sa Barangay 105, Tondo, Manila nitong December 20, 2023 sa pamamagitan ng pamamahagi ng Noche Buena package.

Kilala ang bahagi ng Fortune kung saan ang pangunahing hanapbuhay ng mga residente ay pagkakariton, pagbabasura, pagbabalat ng bawang, at paghihiwa-hiwalay ng “pagpag” o tirang bahagi ng manok mula sa mga fastfood chain.

Nakasama rin bilang benepisyaryo ang mahigit 50 pamilya na nabiktima ng malaking sunog sa Happy Land noong mada­ling araw ng December 12, 2023.

Humanga ang batang Domagoso sa mga pamilyang kanyang nakadaupang-palad. Malapit sa puso niya ang mga naninirahan sa isang informal settler families community dahil ang kanyang ama mismo, si dating Manila mayor Isko Moreno ay nagmula din sa kahirapan at hindi kailanman ikinahiya na siya ay mula sa Tondo at nagsimula sa mahirap na buhay.

“Sa gitna ng kanilang kahirapan at kakapusan, makikita mo iyong kakaibang saya na sumisilay sa kanilang mga mukha habang tumatanggap ng pamasko, na parang sinasabi na, ganito man kami ay may minamahal kaming asawa, mga anak at magulang, sila ang buhay at kayamanan namin,” sabi ni Domagoso.

Sinamahan si Domagoso ng inyong Agarang Serbisyo Lady Dra. Hilda Ong, ni Ms. Jean Ferrer na siyang general manager ng Frazerfield, Inc. at JS Asia Universal, Inc., at ng actor na si John Gabriel.

Ang Reporma Barangay 105 People’s Organization (Reporma B105PO) ang siyang nangalap ng mga benepisyaryo at umalalay sa kabuuan ng community outreach program. Bahagi rin ang ConnecTV Media.

Isa sa mga nabigyan ng food package ay si Ma. Teresa Galit, isang solo parent na may walong anak na itinataguyod mula sa pagmamasahe at paghihilot.

“Malaking tulong po sa aming mag-anak ang mga handog na sotanghon, luncheon meat, Tasty palamig, Nash coffee, Mr. King Gulaman, at iba pa. Mairaraos na namin ang Pasko, mayroon na kaming mapagsasaluhan ng aking mga anak. Simple man ang aming Pasko, masaya naman kaming magkakasama” saad ni Galit. Kapwa naman natuwa sina Eduardo Langcay at Amador Tribiana, Jr. na siyang interim chairperson at president ng Reporma B105PO na ang kanilang organisasyon ang napiling makatuwang sa pag-aabot ng tulong sa ng pinakamahihirap na pamilya ng Barangay 105.

Pinayuhan naman ng inyong lingkod ang mga residente na alamin ang kanilang mga karapatan at benepisyo lalo na pagda­ting sa PHILHEALTH KONSULTA o konsultang sulit at tama na bahagi ng Universal Health Care program ng Philippine Health Insurance Corporation, inengganyo silang mag-miyembro sa Social Security System (SSS) para sa kanilang proteksyon sa pagtanda, at magtabi ng kahit papaano mula sa maliit man o malaking kinikita para sa panahon ng kagipitan at pangangai­langan.

Ang Fortune ay maliit na bahagi lamang ng apat na lugar ng Barangay 105 na siyang pangunahing simbolo ng kahirapan sa lungsod ng Maynila at ng bansa, nariyan ang AROMA, Gawad Kalinga, Happy Land at Helping Complex. Nasa higit kumulang 9,000 ang ISFs na kasalukuyang naninirahan sa lugar na katumbas ng 24,000 katao.

Previous articleLotto Draw Result as of | December 27, 2023
Next articlePASKO NI DE LIMA