MANILA, Philippines – Ipinasa na para madesisyunan ang isa sa natitirang drug case laban kay dating Senador Leila de Lima.
Sa ambush interview nitong Lunes, Abril 17, sinabi ni Atty. Filibon Tacardon, abogado ni De Lima, na inaasahan nila ang desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204, sa Mayo 12.
“Malalaman na natin dito kung inosente talaga si Senator Leila de Lima at hinihiling namin ang dasal ng ating mga kababayan na pagdasal natin si Senator Leila de Lima na sana mabasura na itong kaso na ito laban sa kanya,” ani Tacardon.
Aniya, ang kaso ay nag-ugat sa alegasyon na si De Lima ay nakatanggap ng illegal drug money mula kay dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay binawi nina self-confessed drug lord, Kerwin Espinosa, at Ragos ang kanilang paratang laban kay De Lima at humingi ng tawad sa kanya.
Noong Pebrero naman, natapos na ni Ragos ang pagpapatunay ng kanyang pagbawi sa paratang laban sa dating senador.
“Ito yung testimonya na binawi ni Director Ragos nung nakaraan at sinabi niya na hindi totoo ang kanyang mga akusasyon,” sinabi pa ni Tacardon.
“Dahil nga dito, nagdesisyon na ang kampo ni Senator Leila de Lima na i-submit na for resolution talaga ang buong kaso at pinapa-desisyon na na namin sa buong hukuman ang nasabing criminal case,” aniya.
Samantala, sinabi ni Tacardon na nananatiling pending ang petition for bail na ipinasa nila sa natitirang kaso laban kay De Lima sa Muntinlupa RTC Branch 256.
Noong Pebrero 2021, ibinasura ng Muntinlupa City RTC Branch 205 ang isa sa tatlong drug case laban kay De Lima. RNT/JGC