MANILA, Philippines- Sumuko na sa mga awtoridad ang isa pang suspek sa hazing incident na nagresulta sa pagkasawi ni Ahldryn Leary Bravante, isang criminology student, nitong Miyerkules, ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Redrico Maranan.
Kinilala ng QCPD ang suspek na si John Xavier Clidoro Arcosa, 18, na kasalukuyang nasa kustodiya ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit. Sumuko siya sa mga pulis kasama ang kanyang mga magulang.
Base sa QCPD, isinugod ang 25-anyos na biktima, isang 4th year college student mula sa Philippine College of Criminology (PCCR), sa Chinese General Hospital sa Manila ng dalawang frat men nitong Lunes. Wala siyang malay at mayroong severe injuries.
Nagtungo ang mga operatiba ng Manila Police District sa lugar matapos makatanggap ng ulat ukol sa insidente dakong alas-7 ng gabi nitong Lunes, at isinailalim ang mga kasama ni Bravante– Justine Artates Cantillo, 25, at Kyle Cordeta De Castro, 21– sa kanilang kustodiya matapos nilang ihayag na dinala nag biktima sa ospital kasunod ng initiation right na isinagawa ng kanilang fraternity.
Sinabi ng mga suspek na mga miyembro sila ng Tau Gamma Phi Fraternity – PCCR Chapter at si Bravante ay isang “neophyte” na sumailalim sa initiation rites ng kapatiran.
Naganap ang hazing sa tabi ng abandonadong gusali sa Calamba Street, Barangay Sto. Domingo, Quezon City bandang alas-2 ng hapon sa parehong araw.
Nahirapang huminga ang biktima at nawalan ng malay matapos ang initiation rites dahilan upang isugod siya ng mga kasama sa ospital kung saan siya idineklarang dead-on-arrival dakong alas-6:40 ng hapon.
Nauna nang sinabi ng mga pulis na nagtamo si Bravante ng hematoma sa parehong binti at mga paso ng sigarilyo sa kanyang dibdib at mga kamay base sa cursory examination.
Dinala sina Cantillo at De Castro sa QCPD para sa imbestigasyon habang sumuko pa ang dalawang suspek, kinilalang sina Lexer Manarpies at Mark Leo Andales, kapwa 20-anyos at PCCR students, sa mga awtoridad bandang ala-1:10 ng madaling araw nitong Martes.
Sinabi ng mga pulis na itinuturing sina Cantillo at Andales na “Deputy Grand Triskelion” ng grupo, habang si De Castro ang nagsilbing treasurer nito at si Marapies naman ang “master initiator.”
Kinasuhan na sila ng paglabag sa Republic Act (RA) 11053 (Anti-Hazing Act of 2018) , anang QCPD.
Nagsampa rin ng kasongrobbery laban sa mga suspek dahil nawala ang mga kagamitan ng biktima matapos ang insidente.
Ani Maranan, ikinasa nina De Castro at Cantillo ang extrajudicial confession na bahagi sila ng hazing incident na nagresulta sa pagkamatay ng biktima. Inilantad din nila ang mga pangalan at tirahan ng iba pang mga miyembro ng fraternity na sangkot sa insidente.
Nauna nang sinabi ng police chief na natukoy na nila ang 11 iba pang suspek na sangkot sa pagkamatay ni Bravante.
Naglunsad din ang manhunt operation ang QCPD upang arestuhin ang mga suspek.
Aniya pa, nakatanggap si Bravante na higit-kumulang 60 palo ng paddle sa initiation rites.
Kasalukuyang nakaburol si Bravante sa Cavite. RNT/SA