MANILA, Philippines – Bumaligtad na ang isa sa mga suspek sa Degamo killing.
Nitong Lunes, Mayo 22 ay humarap si Jhudiel Rivero alyas Osmundo Rivero sa DOJ para panumpaan ang kaniyang kontra-salaysay at affidavit of recantation.
Ayon sa isa sa mga abogado ni Rivero na si Atty Harold Montalbo, una na nilang hiniling sa DOJ prosecutors na muling buksan ang pagdinig sa mga reklamong murder, frustrated murder at attempted murder laban sa kanilang kliyente.
Sinabi ng legal counsel na binawi na ni Rivero ang nauna niyang tatlong salaysay na umaamin ng kaniyang partisipasyon at nalalaman sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Sa limang pahinang kontra-salaysay ni Rivero, sinabi nito na tinorture at pinilit lamang siya ng pulisya na ituro si Congressman Arnolfo Teves Jr. na siyang nag-utos na patayin si Degamo.
Advertisement