Manila, Philippines – Nag-isyu ng babala ang beteranang aktres na si Isabel Rivas sa kanyang mga kaibigang posibleng biktima ng taong nang-hack ng kanyang Facebook account.
Kasabay nito, nagpasaklolo na rin si Isabel sa tao o ahensya na maaaring makatulong sa kanya.
Winarningan ng aktres ang kanyang mga FB friends na huwag na huwag magre-reply dahil nagpapanggap daw ang hackèr bilang siya.
Ayon pa sa aktres, nangungutang daw ang kanyang poser.
Bale ba, nagbanta pa raw sa kanya ang hacker na nagsabing ibabalik lang daw nito ang kanyang hacked FB account kung magbibigay siya ng pera.
Hindi naman binanggit ng 63 anyos na aktres kung magkano ang dapat niyang ibigay kapalit ng kanyang restored account.
Hindi na bago ang kuwento tungkol sa mga hacked FB accounts ng mga personalidad sa showbiz.
Nitong simula ng 2023, makailang beses na na-hack ang account ni Jaclyn Jose.
Maging ang FB account ni Direk Joel Lamangan ay na-hack din.
Kadalasang sa NBI idinudulog ang ganitong kaso ng cyber crime. Ronnie Carrasco III