Home OPINION ISANG HAMON KAY RAMOS-HORTA

ISANG HAMON KAY RAMOS-HORTA

SA kanyang pagbisita sa Maynila at diplomatikong dayalogo kay President Ferdinand Marcos Jr., isang tanong ang dapat mabigyang kasagutan ni Timor-Leste President José Ramos-Horta: Mapag-usapan kaya nila ang kontrobersyal na isyu ni Arnolfo Teves Jr.?

Kung tama ang pagkakaalala ko, humiling ng political asylum sa Timor- Leste ang puganteng si Teves na akusado sa pagpaplano nang pagpatay kay Negros Oriental governor Roel Degamo, pero tinanggihan siya ng Timor-Leste at binigyan ng limang araw na grace period upang umalis sa kanilang bansa noong Mayo.

Ngayon, sa harap ng talakayan sa Malacañang tungkol sa “technical, political, educational, and economic partnerships,” imposibleng balewalain ang halatadong omission na ito. Ang pagbisita ni Ramos-Horta ay isang mahalagang oportunidad upang tugunan ang isyu ni Teves at ang pagkakasangkot niya umano sa isang karumal-dumal na krimen.

Ngunit gamitin kaya ni PBBM ang pagbisitang ito upang igiit ang
pagpapauwi sa bansa kay Teves, masiguro lang na mabibigyan ng katarungan ang mga biktima, o baka naman ang isyu ay pasimple na lang na iiwasan alang-alang sa diplomatic decorum?

Sa pagpoposisyon ni Mr. Marcos sa kanyang sarili bilang pangunahing boses ng ASEAN para sa tuluy-tuloy na pagkakabilang ng Timor-Leste sa regional bloc, ang pagbisita ni Ramos-Horta ay dapat na magsilbing litmus test sa commitment ng kanyang bansa sa pandaigdigang batas at sa pagtutulungan sa harap ng umano’y kriminalidad. Pigil-hiningang nakaantabay ang mundo kung totoo bang sa huli ay mananaig pa rin ang hustisya.

Himutok ng mga retirado

Nitong Martes, nagkaroon ng “National Day of Action” — hindi iyong tipong may ipinagdiriwang, kundi sangkatutak na eksena ng matatandang nakatambay sa ilang branch ng Philippine National Bank sa bansa, parang nasa Session Road sa Baguio City.

Kalaunan, nadiskubreng ipinaglalaban ng mamamayang ito ang kanilang mga karapatan at mga ipinaghihimutok.

Una, giit ng mga PNB retirees ang agarang resolusyon sa mga hindi nababayarang benepisyo nila at ang patas na pagtrato sa kanila matapos ang ilang dekada nilang serbisyo. Ikinababahala nila ang mga delaying tactics ng PNB sa kanilang mga hinihiling: simpleng pagtalima sa Cost of Living Allowance at Special Amelioration Allowance dahil ang mga ganitong usapin ay pinagpapasyahan sa korte.

Bukod dito, ang sinasabing iligal na pagkaltas ng Government Service Insurance System gratuity pay mula sa kanilang retirement pay ay dapat na maiwasto. Ang separation o retirement pay ng mga retirado ay dapat na nakabase sa kanilang sweldo bago nagretiro, at panahon na ring matugunan ang dissolution ng kanilang provident fund.

Tiyakin dapat ng GSIS na ang mga retirement benefits at pensiyon ay nakabatay sa kabuuang taon ng empleyado sa pagseserbisyo sa gobyerno, at isang batas ang dapat na magkaloob ng panghabambuhay na pensiyon sa mga puwersahang pinatanggap ng gratuity pay dahil lang isina-pribado
na ang PNB.
*        *       *
SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email
sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

Previous articlePATULOY NA PAGPATAY
Next articleMelai very grateful sa pinagbidahang ‘Ma’am Chief: Shakedown in Seoul’