Home HOME BANNER STORY Ismagel na Bugatti Chiron pag-aari ng mga operator ng POGO – Gatchalian

Ismagel na Bugatti Chiron pag-aari ng mga operator ng POGO – Gatchalian

MANILA, Philippines – Itinuro ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga may-ari at operator ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) firms na may-ari ng dalawang inismagel na Bugatti Chiron sports car.

Matatandaan na kamakailan ay isinuko sa Bureau of Customs ang dalawang ismagel na sasakyan.

Ang pahayag ni Gatchalian nitong Biyernes, Pebrero 23 ay kasabay ng kanyang muling panawagan ng total ban sa operasyon ng POGO sa bansa.

“’Yung nadiscover na dalawang Bugatti sa Alabang, ‘yung P170 million isa, ang information na nakuha ko mga POGO rin ‘yun eh,” sinabi ng senador.

“Imagine mo nakabili sila ng sasakyan P170 million each at hindi nagbayad ng buwis. Zero tax ang binayad sa sasakyan. Ang punto ko lang, sangkot sa criminal activities ang POGO. Nag-rebrand sila, tawag nila ngayon internet gaming license, pero the same animal pa rin,” dagdag pa niya.

Si Gatchalian, chairperson ng Senate ways and means committee, ay nagsusulong ng pagpapahinto sa mga operasyon ng POGO sa bansa, dahil ang epekto nito sa lipunan ay mas lamang kaysa sa sinasabing economic benefits.

Noong Hulyo 2023, ipinadala ng senador ang report sa Malakanyang na nagrerekomenda ng ban ngunit nagpahayag ng pangamba ang executive branch sa posibilidad na pagkawala ng trabaho ng ilang Filipino.

“Ang feedback na nakuha ko is ang executive, kinakabahan sa job displacement…Ang kinakatakutan nila na mawawalan ng trabaho ‘to. Ang tinitingnan nila 60,000 kasama ‘yung indirect…’Yun ang kanilang agam-agam,” ani Gatchalian.

“Ako ang ini-insist ko nandyan nga sila pero may mga smugglers ng sasakyan, may napupugutan ng ulo. Di tayo magiging tahimik na bansa hangga’t nandyan sila,” dagdag [a niya.

Nitong Miyerkules, sinabi ng Dermalog JV, service provider ng Land Transportation Office (LTO), na ang dalawang smuggled luxury cars ay hindi nakarehistro sa online Land Transportation Management System (LTMS).

Kasunod ito ng sinabi ni Senador Raffy Tulfo na ang naturang mga sports car ay inirehistro sa LTO gamit ang mga pekeng dokumento mula sa BOC. RNT/JGC

Previous articleKyla, nakunan na naman!
Next article41 probinsya sapul sa El Niño