MANILA, Philippines- Tatalakayin ng National Task Force – West Philippine Sea (NTF-WPS) sa isang pulong ang napaulat na may ilang kadeteng Pilipino ang nag-aaral sa military school sa China.
“Ang position po ng Senado dito ay mas maganda kung huwag na nating ituloy as a result of the incident in the Ayungin Shoal,” ayon kay National Security Council (NSC) spokesperson Jonathan Malaya.
“Pero kami po sa NSC, siguro pagme-meeting-an po namin ito sa NTF-WPS, which is headed by Secretary Eduardo Año,” dagdag na wika nito.
Inamin ni Malaya na nalaman lamang nila sa NSC ang usaping ito nito lamang araw ng Martes, Agosto 8.
Aniya, ang usapin ay idinulog na sa Department of National Defense (DND), kung saan, nangako ang departamento na magsasagawa ng masusing imbestigasyon.
Samantala, naalarma naman ang ilang senador nang malamang ipinapadala ang ilang kadeteng Pilipino sa isang military school sa Beijing, China.
Ibinulgar ito ni Senador Francis Tolentino sa isang pagdinig sa Senado.
Ang pangamba ng senador, maaaring pinopondohan ng Chinese government ang pagpapa-aral doon ng mga kadeteng Pilipino.
Sa kabilang dako, inamin naman ni Senador Jinggoy Estrada na ngayon lamang niya nalaman ang bagay na ito.
Si Estrada ang chairman ng Committee on National Defense and Security
Para naman kay Senador Raffy Tulfo, tila sampal ito sa Pilipinas sa gitna aniya ng pambu-bully ng China sa bansa. Kris Jose