MANILA, Philippines – Umaasa si Senator Grace Poe na tatalakayin sa papalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu sa West Philippine Sea.
Kasabay ng Kapihan sa Senado nitong Miyerkules, Hulyo 12, sinabi ng senador na mainam na malaman kung anong uri ng kooperasyon ang ginagawa upang madepensahan ang territorial waters ng bansa.
“I think, ‘di ba kasi ‘yong first Sona niya sabi niya […] we will not surrender an inch. So perhaps he might mention also the different cooperations with other countries in terms of patrolling our economic zone ‘di ba,” ani Poe.
“I don’t know what the President will put in his Sona but it would be nice to hear the developments with regards to protecting our national sovereignty,” dagdag pa niya.
Pinuri naman ni Poe ang kasalukuyang administrasyon sa mas mainam na pagtindig sa isyu sa WPS dahil na rin sa pangako ng Pangulo na hindi nito isusuko ni-isang pulgada man ng teritoryo ng bansa sa mga dayuhan.
“I think mas may improvement ah, first of all galing mismo sa executive, meron sila talagang statement na they’re not going to surrender an inch of a territory,” anang senador.
“Now we have cooperations, may balikatan tayo, mga exercises na gano’n, Japan has been very active in supporting our national Coast Guard […] pero dito nga sa Balikatan at least nag-uumpisa ulit, so meron namang improvement. Pero siguro mas pwede pang palawakin ‘yan,” dagdag nito.
Ang tinutukoy ng senador ay ang sinabi ni Marcos sa kanyang unang SONA noong 2022, nang sabihin niyang hindi niya papayagan ang
“any process that will abandon even a square inch of territory of the Republic of the Philippines to any foreign power”.
Ngayong taon, inulit ni Marcos ang pangakong ito at sinabing walang anumang teritoryo ng bansa ang mawawala sa kabila ng mga tensyon. RNT/JGC