Home NATIONWIDE IV gluta ‘di ligtas – DOH

IV gluta ‘di ligtas – DOH

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa maaring maidulot na panganib sa kalusugan sa paggamit ng intravenous (IV) glutathione na hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ang IV glutathione ay maaaring makapagpaputi ng balat ngunit ito ay maaaring makasira ng atay at makamatay.

Binigyan-diin ni Herbosa na ang IV glutathione ay hindi ligtas na gamitin sa mga klinika at sa halip ay idinisenyo para sa mga ospital dahil ginagamit ito bilang isang rescue medicine para sa chemotherapeutic complications ng cancer.

“I’m telling you from the Department of Health… It is not safe. The FDA has not registered it for skin whitening. If here’s someone using it, it is illegal,” saad ni Herbosa sa Kapihan forum.

Binanggit din ni Herbosa ang ulat ng pagkamatay ng isang babae matapos na umano’y tumanggap ng glutathione at stem cell intravenous infusion mula sa isang klinika sa Quezon City.

Aniya, inatasan na niya ang regional office upang tignan kung ang nasabing clinic ay lisensyado na magsagawa ng procedure.

Ayon naman sa FDA na paulit-ulit nang nagbabala sa publiko na nakakalaarma na karamihan sa mga health at beauty salons, wellness spas, at beauty clinics ay nag-aalok ng serbisyo tulad ng intravenous drip o infusion gamit ang skin lightening agents kasama ang reduced glutathione, vitamin C at iba pang injection.

Nagbabala rin ang FDA sa maaaring maidulot na panganib sa paggamit ng injectable lightening agents tulad ng glutathione, binigyan-diin na aprubado lamang ito bilang adjunct treatment sa cisplatin chemotheraphy.

Ayon pa sa ahensya, ang side effects ng paggamit ng injectable glutathione para sa skin lightening ay kabilang ang toxic effects sa liver, kidney, at nervous system.

May panganib din umano sa transmission ng HIV at hepatitis C at B kung hindi medical practitioner ang magbibigay ng procedure o ginawa ito sa non-sterile facility.

Sa ngayon, sinabi ng ahensya na walang inilalathalang clinical trials na na-evaluate sa paggamit ng injectable glutathione para sa skin lightening.

Wala ring nailathalang mga alituntunin para sa tamang dosing regimens at duration ng treatment.

Ang FDA ay wala ring anumang inaaprubahang injectable na produkto para sa pagpapaputi ng balat. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleHigit P8M marijuana sinira ng NBI
Next articleParusa laban sa dating tauhan sa Malacanang na nagtago ng Barrameda case records, pinagtibay ng SC