MANILA, Philppines- Inamin ng high-profile detainee na si Jad Dera nitong Miyerkules sa mga senador na ilang beses siyang nakalabas ng National Bureau of Investigation (NBI) facility.
Sa Senate justice and human rights investigation, inihayag ni Dera na sa ilang ulit niyang paglabas sa pasilidad, isa lamang sa mga ito ang awtorisado ng korte.
Base kay Dera, nakalabas siya ng NBI’s detention facility noong January 20, 2022 upang magpasuri sa isang ospital sa Manila. Awtorisado umano ito ng court order na may petsang December 10, 2021.
Ani Dera, nakalabas siya ng detention facility sa ikalawang pagkakataon upang magtungo sa isa pang ospital at magpasuri ng puso, subalit sa pagkakataong ito ay wala itong permiso ng korte.
Sa ikatlong paglabas niya ng NBI ay noong Father’s Day ngayong taon habang ang ika-apat na beses ay noong June 20, na umano’y para sa isang date, kung saan naaresto siya at lima pang NBI jail guards.
Subalit sa interpelasyon ni Senator Francis Tolentino, kinumpirma ni Dera na nagtungo siya sa Calatagan, Batangas subalit hindi umano maalala ang petsa nito.
Inamin din niya na pumunta siya sa Tagaytay City kasama ang iba pang NBI officers.
“Nu’ng may trinansfer sa Cavite, sumama ako,” sabi ni Dera.
Paglalahad ni Dera, naganap ang roadtrip sa Tagaytay City noong Marso at nagtungo pa umano sila sa isang restaurant.
Subalit, itinanggi ni Dera na pumunta siya sa Subic, taliwas sa ulat.
Sinabi ni NBI Director Medardo de Lemos na nalaman lamang niya ito nang maaresto si Dera at mga kasama niya.
“It was only after the arrest that these unauthorized bring out of the detainee came to the attention of the top management of the NBI,” pahayag ni De Lemos.
Ikinabahala naman ni Tolentino ang umano’y unauthorized trips sa labas ng detention, at sinabing hindi ito mahihinto kung hindi naiulat ng media.
“Baka tuloy tuloy pa ito baka manuod ka pa ng FIBA basketball sa August,” sabi ni Tolentino.
Ipinag-utos na ng Muntinlupa Regional Trial Court na ilipat si Dera sa Muntinlupa City Jail.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at nakaditine sa NBI jail mula 2019. Nahaharap din siya sa murder charges. RNT/SA