Home HOME BANNER STORY Jad Dera: Paglabas ko sa NBI facility, ‘di konektado sa pagbaliktad ng...

Jad Dera: Paglabas ko sa NBI facility, ‘di konektado sa pagbaliktad ng Degamo suspects

447
0

MANILA, Philippines- Itinanggi ng high-profile detainee na si Jed Dera nitong Miyerkules na konektado ang hindi awtorisadong paglabas niya sa National Bureau of Investigation (NBI) detention facility sa pagbaliktad ng testimonya ng mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Sa Senate justice and human rights investigation, binanggit ni Senator Francis Tolentino ang “unverified” reports na nagsasabing kayo umano lumabas si Dera ng pasilidad ay upang pangasiwaan ang pagbawi ng testimonya ng mga suspek sa kaso sa Degamo case na nakaditine rin sa NBI detention facility.

“May mga ulat na lumalabas na nung lumabas ka raw—although unverified pa ito—na nung lumabas ka raw sa Makati e meron kang ibang misyon, di naman kakain lang… Diumano ay isa ka sa mga nag-facilitate para bumaliktad ‘yung iba,” pahayag ni Tolentino.

“Kasi nung Father’s Day—if I may ask my colleague here—pagkatapos ng Father’s Day yata nagbaliktaran ‘yung iba e. Father’s Day lumabas ka ‘di ba? ‘Yan ang tinatahing istorya ng iba. Di ko alam kaya tinatanong kita. Hindi naman kita pinagbibintangan na kasali ka raw sa pagbaliktad ng iba,” paglalahad ng senador.

“Di ko po alam yang sinasabi po nila. Hindi po totoo,” tugon ni Dera.

Nang tanungin kung buo niyang itinatanggi ang pagkakasangkot sa pagbawi ng testimonya ng mga suspek, sumagot si Dera: “Yes po. Wala po akong alam d’yan. Hindi ko po alam ‘yung sinasabi nila na ‘yan.”

Sa unang bahagi ng hearing, inihayag ni Dera sa mga senador na wala siyang interaksyon sa Degamo slay suspects, partikular kay Marvin Miranda, isa sa umano’y masterminds sa pagpaslang sa Negros Oriental governor.

Matatandaang iniutos ng Department of Justice (Department of Justice) sa NBI na busisiin ang alegasyon na nakalalabas din si Miranda ng detention facility kagaya ni Dera.

Sinabi ni NBI Director Medardo de Lemos sa mga senador na hindi nakalalabas si Miranda sa NBI detention facility.

Tinanong naman ni Tolentino si DOJ spokesperson Mico Clavano na nakarating na sa opisina nila ang raw intelligence report na nagsasabing si Dera ang facilitator na nagresulta sa pagbawi ng salaysay ng mga suspek.

Tugon ni Clavano: “That is one of the reports that the DOJ received regarding the purpose of Mr. Dera’s escape and return to the facility.”

Kinumpirma ni Clavano kay Tolentino na base pa sa nakalap na impormasyon ng DOJ, si Dera umano ang nagdadala ng pera sa Degamo slay suspects.

“There was a certain amount that was supposedly and allegedly received by Mr. Dera outside of the facility to be brought in,” sabi ni Clavano.

“I believe that we have the same source of information and these are yet to be validated, which is why we endorsed the same to the NBI and this came simultaneous with the information that he was also outside the detention facility,” giit niya.

“The same information was endorsed right away and immediately to the NBI. However, they already have their own information as well which is why they acted as swiftly as they did to accost Mr. Dera together with the security officers and those that have job orders,” patuloy ni Clavano.

Sa kabila ng pagtanggi ni Dera, tinanong pa rin ni Tolentino kay De Lemos ang halaga ng perang nasamsam mula sa detainee nang maaresto sa labas ng detention facility noong Hunyo.

Batay sa imbentaryo ng raiding team, inihayag ni De Lemos na may hawak si Dera na humigit-kumulang P100,000 nang maaresto siya.

Dahil dito, tinanong naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung bakit may hawak na malaking halaga si Dera.

“Dala ko po yung pinagbentahan ng tindahan sa loob ng kulungan… May tindahan po don…para po sa lahat sa amin dahil wala pong rasyon,” ani Dera kay Dela Rosa.

Nang tanungin kung gaano kalaki ang tindahan, inihayag ni Dera: “Marami pong laman, sir. May mga soft drinks po, ice cream.”

Dahil dito, nakumbinsi si Dela Rosa na si Dera “wield considerable amount of power inside the NBI detention facility.”

“Ikaw pala nagpapatakbo ng negosyo diyan. Hawak mo ang negosyo sa loob,” aniya.

“Wala po kasing rasyon kami. Wala kaming rasyon, sir,” depensa naman ni Dera.

Nahaharap si Dera sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at nakaditine sa NBI jail mula 2019. Isa siya sa co-accused sa natitirang drug case laban kay dating senador Leila de Lima.

Naaresto siya noong Hunyo sa labas ng kanyang selda matapos umanong makipag-date.

Inamin naman ni Dera na ilang beses siyang nakalabas ng detention facility. RNT/SA

Previous articleEU lawmakers kina Marcos, Remulla: De Lima, palayain na
Next articleTsina sa Barbie ban: ‘Culture exchange’ ‘di dapat madamay sa sea dispute

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here