Home METRO Janitor umamin sa panununog sa iskul; bahay ng mayor nadamay

Janitor umamin sa panununog sa iskul; bahay ng mayor nadamay

BACOLOD CITY- Inako ng isang galit na janitor ang responsibilidad sa pagpapaliyab sa isang paaralan, na kumalat sa tahanan ni Mayor Renato Gustilo at kanyang lolo sa Ylagan Street sa San Carlos City, Negros Occidental, nitong Biyernes ng hapon, ayon sa mga pulis nitong Sabado.

Nawasak sa sunog ang Daisy’s ABC School, at dalawang tahanan.

Inihayag ng 58-anyos na janitor na nagalit siya dahil ipinaalam sa kanya na tatanggalin siya mula sa paaralan epekibo noong Hunyo 15 kaya napagdesisyunan niyang sunugin ito, base kay PLt. Col. Nazer Canja, San Carlos police chief.

Sinabi ng janitor, kinilala lamang sa alyas na “Rec,” bumili umano siya ng galon ng gasolinang inilagay niya sa tabi ng may sinding kandila sa  school stockroom.

Inilahad pa ni Canja na ang paaralan lamang ang target sunugin ng janitor, hindi ang bahay ng alkalde.

Sumuko umano ang janitor noong Sabado.

Batay sa ulat, tinanggal sa trabaho ang janitor dahil sa pagpalyang magampanan ang kanyang tungkulin at dahil amoy alak ito at naninigarilyo sa school premises.

Ayon kay Mayor Gustilo, sinabi sa kanya na nang mawasak ang kanyang tahanan sa sunog, nakonsensya umano ang janitor at umamin.

Kasalukuyang naninirahan si Gustilo at kanyang pamilya sa bahay ng kanyang kapatid na nasa ibang bansa. RNT/SA