Home METRO Japanese national natagpuang patay

Japanese national natagpuang patay

LILOAN, Cebu- PALAISIPAN ngayon sa mga awtoridad ang motibo sa pagpatay sa isang Japanese national makaraan matagpuan sa kanyang higaan na nakagapos at may sugat sa ulo nitong Sabado, Nobyembre 25 sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Doug Hiroshi Sugawara, 72-anyos, kasal sa Pinay na si Roxan Mandokita-Sugawara, 30, tubong Gingoog City, Misamis Oriental, at kapwa nangungupahan sa Barangay Yati, Liloan.

Ayon kay Police Major Eric Gingoyon, hepe ng Liloan Police Station, bandang 6:05 AM nang madiskubre ni Roxan ang mister (biktima) na wala nang buhay.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen, natagpuan nilang nakagapos ang mga kamay at paa ng biktima habang nakatakip ng masking tape ang bibig nito.

Sinabi ng pulisya, hindi nila isinasantabi na maaaring pagnanakaw ang motibo sa krimen matapos umanong tangayin ang sling bag na naglalaman ng P1,200 at mga identification card.

Subalit, sinabi pa ni Gingoyon na hindi pa nila matukoy kung bakit tanging ang silid lamang na tinutulugan ng biktima ang kanilang pinasok.

Aniya, sinisikap pa nilang malaman mula kay Roxan kung ano pa ang nawawalang gamit sa kanilang bahay maliban sa sling bag.

Maging ang closed-circuit television (CCTV) footage malapit sa lugar at sisiyasatin rin ng pulisya para posibleng pagkakakilanlan sa suspek.

Sa pahayag pa ni Roxan sa pulisya, na wala man lamang siyang narinig na komosyon mula sa silid ng kanyang mister Biyernes ng gabi at mas gusto pa nitong madalas matulog na mag-isa.

Isasailalim naman sa otopsiya ang bangkay ng biktima para malaman ang ikinamatay nito.

Nabatid, na galing United States of America ang biktima at umupa sila ng bahay sa Barangay Yati, Liloan kasama ang kanyang ina at asawa nitong si Roxan noong April 2023. Mary Anne Sapico

Previous articleBuhay sa nakalipas na 12 buwan ‘di nagbago sa 41% ng mga Pinoy – survey
Next articleKawatan ng motorsiklo, patay sa mga pulis