MANILA, Philippines – SWAK sa kalaboso ang tatlong bagong identified drug personalities matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina Arjan Dandan, 36, Jovanni Colarani, 35, Habal-habal driver, kapwa ng Caloocan City at Alfredo Alvarez, 67, jeepney driver ng Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/Bgen. Rizalito Gapas, sinabi Col. Baybayan na dakong ala-1:10 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation sa Victoneta Avenue, Brgy. Potrero kontra kay Dandan.
Nang tanggapin ni Dandan ang P500 marked money mula sa isang pulis na nanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama ang kanyang kasabwat na si Colarani at si Alvarez na kanila umanong parukyano.
Ani PSSg Jerry Basungit, nakumpiska sa mga suspek ang nasa 5.50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug pric value na P37,400.00, buy bust money at isang Yamaha Aerox 155 na may plakang (288QLQ).
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura