Home NATIONWIDE Jeepney operations sa Davao City, normal sa kabila ng transport strike –...

Jeepney operations sa Davao City, normal sa kabila ng transport strike – LTFRB

MANILA, Philippines – Nananatiling normal ang operasyon ng mga jeepney sa Davao City sa kabila ng transport-strike ng ilang grupo sa lungsod bilang protesta sa public utility vehicles (PUV) modernization program, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Davao Region nitong Miyerkules, Disyembre 27.

Sinabi ng LTFRB-11 na sa kanilang monitoring, walang lumahok sa tigil-pasada sa kabila ng inisyatibo ng Transmission-Piston Southern Mindanao.

Ito ay matapos sabihin ng Transmission-Piston na nasa 80% ng public utility jeepneys sa Davao City ang inaasahang lalahok sa tigil-pasada bilang pagtutol sa December 31, 2023 PUV consolidation deadline at Davao Bus Project.

Iginiit ng LTFRB-11 na hindi kasama ang Davao City sa year end consolidation deadline dahil ipatutupad ang Davao Bus Project sa lungsod.

Sa kabila nito, nahaharap umano sa mga pagsubok ang mga jeepney driver sa implementasyon ng Davao Bus Project.

Siniguro naman ng lokal na pamahalaan ng Davao City na handa silang tumulong sa mga drayber at operator na maaapektuhan ng proyekto.

Umaasa ang Transmission-Piston na mas marami pang PUJ drivers ang lalahok sa transport strike ngayong hapon.

Nakipag-ugnayan na ang LTFRB-11 sa City Transport and Traffic Management Office para sumuporta ang mga bus operator sa mga pasaherong maiistranded dahil sa strike.

Samantala, kasalukuyang nagsasagawa pa rin ng tigil-pasada ang MANIBELA at PISTON sa buong bansa na nagsimula noong Disyembre 18 at magtatapos sa Disyembre 29, bilang protesta sa PUV operator consolidation.

Nauna nang sinabi ng mga grupo na handa nilang i-extend ang strike kung magbibingi-bingihan pa rin umano ang pamahalaan.

Kamakailan ay idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na magkakaroon ng extension sa deadline ng PUV consolidation na itinakda sa Disyembre 31. RNT/JGC

Previous articleKanseladong flights ngayong Miyerkules, Disyembre 27, 2023
Next articleChikungunya cases lumobo ng 381%