Manila, Philippines – Nakapagbida na ang magaling na actor na si Jerald Napoles sa mga pelikulang “#Jowable”, “Ang Babaeng Walang Pakiramdam” at “Ikaw at Ako at Ang Ending”.
Katunayan, ang maituturing na greatest hits niya ay sa mga proyektong kasama ang reel and real life sweetheart niyang si Kim Molina.
Dahil sa success din ng kanilang tambalan ay nabuo ang loveteam na KimJe na patok sa mga manonood.
Ngayon naman, inila-launch si Jerald sa kanyang solo starrer bilang bida sa family drama-comedy na “Instant Daddy”.
Ani Jerald, may blessings daw ng kanyang dyowang si Kim ang kanyang pagkakaroon ng hiwalay na project.
“Actually, napag-usapan naman namin siya ni Kim. Siya rin kasi may gagawing project na hindi kami magkasama. Kasi, aside from gusto rin naming makatrabaho ang iba, gusto rin naming mag-grow individually,” sey ni Jerald.
Sinabi niya na pareho silang happy ni Kim sa kanilang career decision.
“Actually, parehas kaming masaya ni Kim. Pag alam kasi ni Kim na may proyekto akong sarili, nae-excite rin siya kasi even before naman kaming nagkakilala, gumagawa na kami ng projects na di magkasama,” aniya.
“Ako, happy din ako sa kanya. Kasi kailangan din naming palawigin ang aming brand sa industriya. So, excited kami sa iba pang projects na naghihintay sa amin. We’re still building networks and it’s also another chance for us to showcase our talents individually also, so excited at supportive kami sa isa’t-isa,” paliwanag niya.
Naniniwala naman siyang susuportahan din siya ng followers ng KimJe love team sa bago niyang movie.
“I think, susuportahan din kami ng aming followers…kasi kami as a couple , hinahatak-hatak din namin ang isa’t-isa,” bulalas niya.
Natutuwa rin si Jerald na after several years ay nabibigyan na rin ang katulad niya ng pagkakataon na makapagbida sa mga pelikula tulad ng “Instant Daddy.”
“It’s nice na, I’m speaking hindi lang sa sarili ko, ang ganda lang nitong nangyayaring lahat pala puwedeng mabigyan ng chance just like… we have Dolly de Leon. I’ve been working with Dolly de Leon since 2006, way back sa theater. It’s just nice na napapansin kami. Na every one can be a lead actor or lead actress na nabibigyan ng chance. May tsansa ang sinuman na magkaroon ng ganoong tsansa so, ang sarap lang na maihinay sa ibang actor na dati nang nagbibida tulad nina Piolo,” pagtatapos niya.
Sa “Instant Daddy” na adaptation ng global blockbuster hit na “Instructions Not Included”, ginagampanan ni Jerald ang papel ng isang binatang umiiwas sa pag-aasawa na hindi nakatakas sa pag-aalaga ng anak.
Mula sa direksyon ng award-winning director na si Crisanto Aquino (“Write About Love”) kasama rin sa pelikula sina Danita Paner, Ryza Cenon, MC Muah at Nikko Natividad.
Palabas na sa mga sinehan sa Oktubre 4, 2023, tampok din sa pelikula ang child wonder na si Althea Ruedas na binibigyang buhay ang papel ni anak niyang si Mira. Archie Liao