Home NATIONWIDE JN.1 tinukoy na COVID variant of interest

JN.1 tinukoy na COVID variant of interest

MANILA, Philippines- Inuri ng World Health Organization (WHO) ang JN.1 bilang COVID variant of interest dahil sa bilis nitong makapanghawa.

Ito ay dating inuri bilang variant of interest bilang bahagi ng COVID variant BA.2.86.

“Due to its rapidly increasing spread, WHO is classifying the variant JN.1 as a separate variant of interest (VOI) from the parent lineage BA.2.86. It was previously classified as VOI as part of BA.2.86 sublineages,” sabi ng WHO sa media advisory nitong Miyerkules.

“Based on the available evidence, the additional global public health risk posed by JN.1 is currently evaluated as low. Despite this, with the onset of winter in the Northern Hemisphere, JN.1 could increase the burden of respiratory infections in many countries,” dagdag pa nito.

Sinabi ng WHO na nagdudulot ng mababang panganib sa kalusugan sa buong mundo ang JN.1 batay sa ebidensya.

Dagdag ng WHO na ang kasalukuyang bakuna ay nagsisilbi pa ring proteksyon laban sa malubhang sakit at kamatayan mula sa JN.1 at iba pang variant ng SARS-CoV-2, na siyang virus na nagdudulot ng COVID-19.

Bukod dito, ang mga kaso ng influenza, respiratory syncytial virus (RSV) at common childhood pneumonia ay tumataas.

Una nang inamin ng Department of Health (DOH) na humihina na ang bisa ng mga bakuna sa paglipas ng panahon, ngunit nagbibigay pa rin ito ng sapat na proteksyon.

Ayon kay DOH Usec. Eric Tayag, ang pagbibigay ng karagdagang booster ay pinag-aaralan subalit ang COVID bivalent booster shots sa bansa ay naubos na.

Sinabi naman ni Health Sec. Ted Herbosa na ang publiko ngayon ay mas may kaalaman at mas kumpiyansa ang mga doktor sa paggamot sa COVID.

Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng pahayag ang DOH sa bagong variant ng JN.1

Patuloy na sinusubaybayan ng WHO ang ebidensya, at tiniyak na ia-update nito ang pagsusuri sa panganib ng JN.1 kung kinakailangan.

Samantala, umapela ang ahensya sa publiko na magsagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang impeksyon at mga sakit.

Para sa mga health workers at health facilities, payo ng WHO ang universal masking sa mga pasilidad ng kalusugan, gayundin ang naaangkop na masking, respirator at iba pang PPE para sa mga manggagawang pangkalusugan na nangangalaga sa mga pinaghihinalaan at kumpirmadong pasyente ng COVID-19 at pagpapabuti ng bentilasyon sa mga pasilidad ng kalusugan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleYana, nangakong hindi iiwan ang manager!
Next articleTsina nagbabala sa Pinas: Sitwasyon sa S. China Sea ‘wag maliitin