Manila, Philippines – Sumakabilang-buhay na ang singer-comedian na si Jograd la Torre.
Pamilyar si Jograd sa mga tagahanga ni Nora Aunor dahil siya ang naging co-host nito sa musical variety show na Superstar along with German Moreno.
Mismong ang kapatid niyang si Arlene Cullough ang nagbahagi ng malungkot na balita sa Facebook.
Post ni Arlene: “My brother Jograd my Papa Eddie, Mama Betty, Boy Antoy and Manong Bebot.”
Ipinapalagay na sakit sa atay ang sanhi ng pagpanaw ni Jograd.
Bago siya namatay ay na-confine pa siya sa Ospital ng Maynila.
Huling nakapanayam si Jograd ng showbiz radio anchor na si Morly Alinio noong July 2023.
Sa naturang panayam, naikuwento ni Jograd na labas-masok daw siya sa pagamutan.
Pero ang pinakamatindi raw ay ang ikatlong confinement niya.
Pagtatapat ni Jograd, umakyat na raw kasi sa kanyang utak ang toxins mula sa kanyang liver.
Dumating din daw siya sa puntong hindi na siya nakakakilala.
Hindi rin daw siya makapagsalita at makakilos.
Gayunpaman, ani Jograd ay patuloy raw siyang lumalaban dahil “masarap mabuhay.”
Sige pa rin daw ang pag-inom niya ng kanyang mga gamot sa pagnanais madugtungan ang kanyang buhay.
Bukod sa pagiging host-singer ay nakagawa rin si Jograd ng ilang pelikula.
He starred in the movie Okleng Tokleng kasama sina Aurora Sevilla, Francis Magalona, Panchito at Lou Veloso.
Sumikat at nag-viral din ang kanyang political song na pinamagatang Kawatan na inawit niya sa Luneta noong kasagsagan ng pork barrel scam sangkot si Janet Napoles.
Madalas ding maimbitahang mag-perform si Jograd sa Christmas company party ng isang pahayagan.
Mula sa Remate Online, ang aming tauspusong pakikidalamhati sa mga naulila ni Jograd. Ronnie Carrasco III