MANILA, Philippines- Itinutulak ng gobyerno ng China na buhayain ang joint committee meeting sa pagitan ng Chimna Coast Guard at Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ni PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na ang taunang Joint Coast Guard Committee (JCGC) meeting ay sinimulan noong administrasyong Duterte. Gayunman, walang malaking kasunduan ang ginawa sa pagitan ng dalawang bansa pagdating sa tensyon sa WPS at wala ring kinahantungan ang kanilang pagpupulong.
Ginanap ang joint meeting noong 2017 sa Subic, Zambales at nagkasundo ang China at Pilipinas na palakasin ang kanilang maritime cooperation sa mga sektor ng pag-iwas at paglaban sa drug trafficking at iba pang transnational crime, search and rescue, environment protection at emergency response.
“The Chinese government is still pushing na i-revive itong joint coast guard committee meeting between the China Coast Guard and the Philippine Coast Guard.”
“But right now, our stand of the national government is that all these discussions should be coursed through the Department of Foreign Affairs. Diplomatic channel ang ating means na ngayon [the diplomatic channel is now our means] to communicate with them,” ani Tarriela sa panayam.
Sinabi rin ni Tarriela na sa ilalim ng administrasyong Marcos, mas nalantad ang agresibong pag-uugali ng China sa WPS at mas nababatid sa publiko kung ano ang nangyayari at kung ano ang nararanasan ng Philippine forces doon. Jocelyn Tabangcura-Domenden