Home NATIONWIDE Joint resupply mission kasama ibang bansa target ng AFP sa WPS

Joint resupply mission kasama ibang bansa target ng AFP sa WPS

MANILA, Philippines – Target ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng posibleng joint resupply mission kasama ang ibang mga bansa sa West Philippine Sea kasunod ng diplomatikong alitan sa China sa nangyaring dalawang banggaan sa lugar.

Kabilang sa iba pang claimants sa South China Sea ang Brunei, Malaysia, Vietnam, at Taiwan.

Noong nakaraang Linggo, sinubukan umano ng mga barko ng China na harangin ang mga resupply vessel ng Pilipinas patungo sa Ayungin Shoal, na humantong sa mga banggaan na sumira sa BRP Cabra at sibilyang barkong Unaizah noong Mayo 2.

“Pinag-aaralan pa. That’s another option,” ani AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa Kapihan sa Manila Bay forum, nang tanungin ukol sa posibilidad na ito.

Sinabi ni Brawner na isinasaalang-alang din ng mga awtoridad ang paggamit ng barko ng Philippine Navy para sa mga resupply mission. Ang mga barko ng Navy ay mas may kagamitan para sa mga naturang operasyon, aniya.

Dapat aniyang ipagpatuloy ang resupply mission gaya ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Aaminin natin nababahala kami (we’re worry) pero gaya ng binanggit ni [Defense Secretary] Gibo Teodoro, willing ang AFP na ipagtanggol ang teritoryo natin. Isa tayo sa pinaka-experience na armed forces sa buong mundo,” aniya pa.

Noong 2016, nanalo ang Pilipinas laban sa China sa harap ng internasyonal na korte sa The Hague na nagpawalang-bisa sa malawakang pag-angkin ng huli sa South China Sea.

Gayunpaman, patuloy na binabalewala ng Beijing ang desisyong iyon. RNT

Previous article22 patay sa Maine shooting; gun man ‘at large’ pa rin
Next articleNavotas nakatanggap ng ibat-ibang pagkilala sa DILG-NCR