Manila, Philippines- Mismong si Bossing Vic Sotto ang kumilala sa kapangyarihan ng media, dahilan para sa wakas ay makolekta na niya ang milyong pisong utang sa kanya ng Eat Bulaga.
Matatandaang isa ito sa mga ibinunyag ng nakatatanda niyang kapatid na si Tito Sotto sa five-part exclusive interview sa kanya ng PEP ilang linggo na ang nakakaraan.
Ayon sa dating Senate President, tigti-P30 million unano ang utang ng mga Jalosjos kina Bossing at Joey de Leon.
Ito raw ay noon pang 2022.
Ngunit ayon na rin kay Bossing, binansagan niyang false info ang ibinalita ng kapatid dahil sa totoo lang ay mahigit pa rito ang unpaid salaries in question.
Gayunpaman, ipinagpasalamat ng TV host-comedian-producer na nabayaran na raw siya in cheque: “Na-media kasi.”
Sinundan ito ni Anjo Yllana na may dapat din daw singiling suweldo sa pagko-co-host sa EB sa loob ng tantiya niya’y pitong buwan.
Kulang na nga lang ay magmakaawa si Anjo para makakolekta.
Inihalintulad pa nga ni Anjo ang kanyang sarili na parang basang sisiw.
Hindi nga nangiming aminin ni Anjo na nautangan niya pati si Bossing dahil aniya, ‘yun daw ang mga panahong down siya.
Iniaasa na nga lang daw ni Anjo sa dating karelasyong si Jackie Manzano ang paniningil sa EB dahil malapit daw ito kay Bullet Jalosjos na chief finance officer ng Tape, Inc.
Samantala, hindi lang pala kina Bossing, Joey at Anjo may atraso ang mga namumuno sa programa.
Ibinalita kasi ni Cristy Fermin sa programa niyang Showbiz Now Na na mula sa isang reliable source ay kinumpirma nitong maging kina Jose Manalo at Wally Bayola ay may utang din ang EB.
Ani Cristy, ito raw ‘yung mga panahong nagtatanghal sina Jose at Wally sa Zirkoh sa dahilang delayed ang suweldo nila.
Ang Zirkoh ay ang comedy bar na pag-aari ng co-host din nila sa EB na si Allan K.
Hindi malinaw kung magkano ang unpaid salaries na kailangang kubrahin nina Jose at Wally, o kung bayad na rin ba ito tulad ng kina Bossing at Joey.
Meron pa bang iba bukod sa kanila? Ronnie Carrasco III