Home NATIONWIDE Kabayanihan ng 5 nasawing CAFGU sa Tagkawayan, Quezon binigyang pagkilala

Kabayanihan ng 5 nasawing CAFGU sa Tagkawayan, Quezon binigyang pagkilala

QUEZON – Sa nakapanlulumong sinapit ng limang miyembro ng Citizens Geographical Unit (CAFGU) dahil sa madugong engkwentro sa mga rebeldeng komunista mula sa Bicol nitong Setyembre 1, binigyang pagkilala ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang kanilang kadakilaan na ipaglaban ang kapayapaan sa kanilang bayan.

Nag-alay ng luksang parangal at binigyan ng Full Military honors ang mga nasawing bayani na kinabibilangan nina CAA Cesar Sales, CAA Jeffrey San Antonio, CAA Aljohn Rapa, CAA Johnwell Perez, at CAA Jomari Guno kung saan ay ihihimlay ang kanilang mga labi sa Libingan ng mga Bayani.

Labis ang pagdadalamhati ni Governor Doktora Helen Tan at ipinaabot ang kanyang pakikiramay sa mga pamilyang naulila ng mga nasawi, kanya ring ibinahagi na makatatanggap sila ng tulong pinansyal.

Patuloy din ang pagkilos at pakikipag-ugnayan ng pamahalaaang panlalawigan ng Quezon sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga naapektuhang residente ng pinangyarihan na pananambang ng mga teroristang grupo.

Katuwang ang DSWD sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian ay sinimulan na ang pamamahagi ng tulong at food packs para sa mga komunidad na naipit ng nagdaang engkwentro. Magsasagawa rin ng stress debriefing ang Provincial Health Office para sa mga naapektuhang residente upang masuri ang kalagayan ng kanilang mental health matapos ang insidente.

Samantala, nakikipag-ugnayan na rin si Governor Tan sa DOLE upang suriin ang kasalukuyang lagay ng kabuhayan ng apektadong komunidad upang masolusyonan ang isa sa mga nagdudulot ng insurhensya – ang kawalan ng maayos na kabuhayan. Isang solusyon na binanggit ng gobernador ang pagbibigay ng Sustainable Livelihood Projects (SLP) sa mga residente.

Sinigurado pa rin ng pamahalaang panlalawigan na nananatiling “insurgency-free” ang Quezon, at paiigtingin ang pakikipagtulungan sa mga law enforcement agencies upang agarang mabigyan ng hustisya ang mga nasugatan at namatay na CAFGU. RNT

Previous article31 patay sa pagbaha sa Brazil
Next articleMPD nakilahok sa earthquake drill

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here