MANILA, Philippines – Nakatakdang lumahok ang Pasay at Parañaque ang pagsasagawa ng ‘Kadiwa ng Pangulo Diskwento Caravan’ sa darating na Lunes (Hulyo 17).
Ang paglahok ng dalawang nabanggit na lungsod ay kaugnay sa paghimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng local government units (LGUs) sa bansa na lumahok sa nabanggit na diskwento caravan.
Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na isasagawa ng lokal na pamahalaan ang ‘Kadiwa ng Pangulo Diskwento Caravan’ sa Parañaque City Hall grounds mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.
Aabot sa 22 micro, small at medium enterprises (MSMEs) ang magtitinda ng kanilang produkto sa bukid sa murang halaga habang ang Kadiwa mobile stores naman ay mag-iikot sa buong lungsod mula Lunes hanggang Linggo.
Tuwing Lunes, ang Kadiwa mobile store ay mananatili sa Raya Gardens, Barangay Merville at Bricktown Subdivision sa Barangay Moonwalk.
Sa araw naman ng Miyerkules, ang Kadiwa mobile store ay nasa Area 1, Fourth Estate Subdivision, Barangay San Antonio; Phimra Subdivision, Barangay Moonwalk; Levitown, Better Living Subdivision sa Barangay Don Bosco; at Airport Village sa Barangay Moonwalk.
Nasa ROMVI sa Barangay Moonwalk at Parañaque City Hall grounds naman ang Kadiwa mobile store sa tuwing araw ng Biyernes.
Dagdag pa ni Olivarez na tuwing Linggo ay nakaiskedyul ang Kadiwa mobile store sa Aeropark Subdivision, Barangay Don Bosco at Fountain Breeze Condominium, Barangay San Isidro; Petron gas station sa Doña Soledad, Barangay Don Bosco at Camella Homes Classic sa Barangay San Antonio habang ang Kadiwa mobile store sa Petron Station, Barangay San Antonio naman ay mananatiling bukas mula Lunes hanggang Linggo.
Sa Pasay City, sinabi ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang ‘Kadiwa ng Pangulo Diskwento Caravan’ ay bibisita sa lungsod sa darating na Lunes (Hulyo 17) at gaganapin ito Pasay City Hall parking grounds.
Ayon kay Calixto-Rubiano, magsisimula ang pagbebenta ng mga produkto ng ‘Kadiwa ng Pangulo Diskwento Caravan’ ng alas 8:00 ng umaga kung saan maaaring makapamili ng mga murang bigas, gulay, prutas, karne at iba pang bilihin ang mga residente ng lungsod.
Dagdag pa ni Calixto-Rubiano, ang ‘Kadiwa ng Pangulo Diskwento Caravan’ hatid ng Tanggapan ni Pangulong Bongbong Marcos, Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) katuwang ang ang lokal na pamahalaan at ang Pasay City Cooperative Office (PCCO). (James I. Catapusan)