MANILA, Philippines- Kinondena ng gobyerno ng Pilipinas ang nagpapatuloy na labanan sa Israel.
Tiniyak ng gobyerno mahigpit itong nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Tel Aviv para tiyakin ang kaligtasan ng mga Filipino.
“The Philippines condemns the attacks, especially against civilian populations,” ayon sa Office of the President (OP) kasunod ng sorpresang pag-atake ng Hamas group laban sa Israelis na sa huli ay nakipagsabayan na rin laban sa Palestine group.
“The Philippines conveys its deepest sympathies and condolences to those who have lost family members and loved ones in recent attacks,” ayon sa kalatas.
“The Philippines understands the right of states to self-defense in the light of external aggression as recognized in the United Nations Charter,” dagdag nito.
Sa hiwalay na kalatas, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang gobyerno na mahigpit na makipag-ugnayan sa embahada ng Tel Aviv at Migrant Workers Office sa Israel at tulungan ang mga Filipino na apektado sa nagpapatuloy na labanan.
Kaagad na inatasan ang dalawang tanggapan na kagyat na hanapin at bilangin ang lahat ng overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya sa Israel.
Samantala, nagbukas naman ang Department of Migrant Workers ng hotline hotline, Viber and WhatsApp numbers na tatanggap sa tawag at tanong mula sa OFWs at Filipino community na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Sa ulat, tinitingnan pa ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang “unconfirmed reports” na ilang Filipino umano sa Israel ang dinukot sa kasagsagan ng bakbakan sa pagitan ng Israeli troops at grupong Hamas.
Ayon sa embahada, kasalukuyan pa nilang biniberipika ang ulat.
Kinumpirma naman ni Israeli Ambassador Ilan Flus na mayroong kinidnap ang Palestinian Islamist group na Hamas kabilang dito ang isang Thailander subalit wala silang natanggap na ulat kung may Pinoy na kasama dito.
Nanawagan naman si Department of Foreign (DFA) Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega sa mga Filipino na may kamag-anak sa Israel na kaagad ipagbigay-alam sa kanila kung mayroong silang mga kaanak na hindi na makontak.
Sinabi naman ni Overseas Workers Welfare Administrator (OWWA) Arnel Ignacio na nakatutok sila sa tinatayang 200 OFW na nakabase sa Gaza strip kung saan nagpaulan ng rockets ang Hamas.
Sinabi naman ni De Vega na handa ang DFA na magsagawa ng repatriation sa sandaling hilingin ito ng mga OFW sa Israel at kung kinakailangan na.
Simula kahapon ay isinara na rin ang embahada ng Pilipinas sa Israel at maaring tumawag na lamang sa emergency number +972-54-4661188.
Sa kasaysayan ng Israel, ito na ang pinakamalaking pag-atake ng ginawa ng Hamas sa nakalipas na ilang taon kung saan tinatayang 250 katao sa Israel ang nasawi.
Dahil dito kaya nagdeklara ng “state of war alert” ang nasabing bansa habang nangako naman si Prime Minister Benjamin Netanyahu na gaganti sa nasabing teroristang grupo. Kris Jose