Home OPINION KAHINDIK-HINDIK NA TERORISMO

KAHINDIK-HINDIK NA TERORISMO

NAISULAT ko na kamakailan lang na ang nangyayaring gulo sa pagitan ng Israel at Palestine ay hindi religious war.   Oo nga na ang mga pangunahing grupong mayroong giyera ay mga Hudyo at mga Muslim, pero hind sa relihiyon o tradisyon ng spiritwalidad ang ugat ng mga gulo.

Wala nang pwedeng itawag sa nangyayari kundi giyera.  Isang kahindik-hindik na giyera ang humuhugis ngayon sa milyong mga Palestino at mga Israelita.  Sa nakalipas na dalawang linggo, lampas na sa anim na libo ang namatay na mahigit doble pa nito ang mga sugatan.   Daan-daan ang balitang kinidnap at hinostage ng Hamas ngayon sa loob ng Gaza.

Binansagan na ng maraming bansa ang ginawang pag-atake ng Hamas bilang isang terorismo.   Sagot naman ng mga Palestino, mahigit pitong dekada nang pang-aapi at pag-aabuso ang dinanas nila mula sa pananakop ng mga Hudyo at ng itayo ang Israel bilang isang bansa na kinilala ng United Nations noong 1947. Sino ang mas matagal nang terorista?

Sobrang dami nang kakila-kilabot na mga balita at kwento ang lumabas. Mala-hayop daw ang mga ginawa ng mga Hamas.   Mga paslit na batang pinugutan ng ulo.   Mga babaeng hinalay at sinunog.  Mga matatandang ginilitan ng leeg.   Marami ang kinidnap sa isang music festival at ginagamit daw na mga human shield.  Sa kabilang banda, inaakusahan naman ang Israel na binobomba ang mga ospital, simbahan at eskwelahan.

Pananaw ng mga Palestino, hindi makatarungan ang ginawang pananakop ng mga Hudyo (o mga Jews) pagktapos ng ikalawang digmaang pandaigdig.  Basta na lang kasi sumipot sa mga lupain ng mga Palestino na nakapaloob sa mga bansa ng Egypt, Lebanon, Syria at Jordan.   Bagamat walang bansa na “Palestine” ang pangalan, kinikilala ng karamihang mga Arabo ang lahi ng mga Palestino.

Sino ang unang naghagis ng bato? Kailangan tignan ang mga pangyayari noong October 7, 2023 bilang isang yugto sa mahabang kasaysayan ng away at tunggalian sa Gitnang Silangan.

Apektado na rin ang mga OFW natin doon.  Bagaman ang ilan ay nakabalik na sa bansa ang karamihan naman ay ayaw umuwi dahil sa takot bunga nang kawalan ng trabaho sa atin pag-uwi nila.

Isinisisi na rin sa gulo ang  pagtaas ng presyo ng  langis sa bansa na siyangi kinakatakot ng ating mga kababayan dahil tiyak na susundan na rin nang pagtaas pa lalo ng presyo  mga pangunahing bilihin at pamasahe.

Kaya kailangan magpatupad ng tigil-putukan sa lalong-madaling panahon at mamagitan ang mga malalalaki at makapangyarihang bansa tulad ng Amerika, Saudi Arabia at Europa.   Kapag hindi, mas maraming buhay ng mga inosenteng bata, kababaihan at mga matatanda ang mawawala bunga ng giyerang ito.

Previous articleKUDOS SA NCRPO AT NAVOTAS POLICE
Next articleAmihan magpapaulan sa Northern at Central Luzon