Home NATIONWIDE Kahit nagmamatigas, Tiglao ipatatawag sa Senado sa Ayungin shoal issue

Kahit nagmamatigas, Tiglao ipatatawag sa Senado sa Ayungin shoal issue

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Jinggoy Estrada na ipatatawag si dating Ambassador Rigoberto Tiglao sa Senado upang magbigay-linaw sa claim nitong nangako si dating Pangulong Joseph Estada na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong 1999.

Sa kanyang kolum, sinabi ni Tiglao na may sapat itong ebidensiya upang mapatunayan ang kanyang pahayag.

“I don’t think Jinggoy even read my article (or any newspaper, for that matter). I presented official documents from then Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario and other DFA officials referring to such promises,” ayon kay Tiglao.

Ayon kay Tiglao, nangako ang Estrada administration na aalisin ang dalawang barko ng Pilipinas, ngunit tanging BRP Benguet, stationed sa Scarborough Shoal, ang inalis.

Dahil dito, iminungkahi ni Jinggoy na ipatawag si Tiglao sa Senado.

“Puwedeng ipatawag si Mr. Tiglao. Para to shed light on what he said,” aniya.

Nitong Agosto 5, binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard kasama ang ilang Chinese militia vessel, ang resupply ship ng Philippine Coast Guard na nasa loob mismo ng teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) upang maghatid ng supply sa Sierra Madre.

Inihayag ng China na nangako ang Piipinas na aalisin ang Sierra Madre sa Ayungin Shoal dahil pag-aari nito ang lugar na tinatawag nilang Ren’ai Reef.

Naunang sinabi ni Tiglao sa kanyang kolum sa isang national broadsheet na nangako ang dating Pangulong Estrada na aalisin ang BRP Sierra Madre noong 1999 na kung kailan inilagay ang kinakalawang na barko sa Ayungin Shoal.

Nagsilbi si Tiglao bilang tagapagsalita ng administrasyong Arroyo saka itinalaga bilang ambassador.

Bilang tugon, sinabi ni Jinggoy na hindi maalala ng kanyang ama ang isyu pero mukhang illogical ito kung mangangako nang ganito.

Sinabi pa ng senador na kinumpirma din ni dating Defense Secretary Orlando “Orly” Mercado na walang kasunduan ganito sa Chinese government.

Naunang sinabi ng Palasyo na hindi nito nalalaman ng gobyerno na may ganitong kasunduan, pero, ibinabasura na ito sa ngayon. Ernie Reyes

Previous articleTeves pinatalsik na bilang kongresista
Next articleBebot sugatan sa riding-in-tandem