MANILA, Philippines – NAGING ganap na batas na ang ipinasang panukalang batas na layong palawigin ang deadline ng pagkuha ng estate tax amnesty ng dalawa pang taon o hanggang June 2025.
Kahit wala ang pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., “the availment of the estate tax amnesty lapsed into law on August 5.”
Nakasaad sa Republic Act No. 11956, pinalalawig ang Estate Tax Amensty period ng hanggang Hunyo 14, 2025 at kasama rito ang estates o ari-arian ng mga namatay sa araw mismo o bago ang Mayo 31, 2022.
Naka-upload ito sa Official Gazette, araw ng Martes, Agosto 8.
Nakapaloob sa Section 4 ng batas na pinahihintulutan ang pagbabayad ng installment sa loob ng dalawang taon mula sa original payment date na walang kaukulang civil penalty at interest.
Ang pagbabayad ng amnesty tax ay maaaring gawin sa pamamagitan ng “electronically o manually, at the time the Return is filed with any authorized agent bank, Revenue District Officer through the Revenue Collection Officer or authorized tax software provider.”
Inaatasan naman ang Secretary of Finance, na makipag-ugnayan sa Commissioner ng Bureau of Internal Revenue, sa pagbalangkas ng rules and regulations sa loob ng 30 araw mula sa effectivity ng batas.
Ang nasabing batas ay magiging epektibo, 15 araw matapos ang publikasyon sa Official Gazette o sa dalawang pahayagan na may general circulation. Kris Jose