MANILA, Philippines- Kalahati ng adult Filipinos ang naniniwala na bubuti ang lokal na ekonomiya sa sunod na anim na buwan, habang halos 40% ang naniniwala na walang magiging pagbabago mula sa kasalukuyan, base sa resulta ng Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research na inilabas nitong Linggo.
Sa ikinasang survey mula March 24 hanggang 28, 2023, napag-alaman na 50% ng respondents sa buong bansa ang naniniwala na bubuti ang lagay ng ekonomiya kumpara sa kasalukuyan, mas mataas sa 46% na naitala noong October 2022.
Naitala ang highest optimism sa Visayas sa 69%, sinundan ng balance Luzon sa 47%, National Capital Region (NCR) sa 46%, at Mindanao sa 43%.
Halos 6% naman ng respondents ang nagsabing sa palagay nila ay lalala ang ekonomiya kumpara sa kasalukuyan sa sunod na anim na buwan, mas mababa sa 10% ng pessimists sa nakaraang survey na isinagawa noong October 2022.
Naitala ang pinakamalaking porsyento ng pessimists sa Mindanao sa 11%, sinundan ng NCR sa 7%, balance Luzon sa 5%, at Visayas sa 3%.
Gayundin, base sa resulta, naniniwala ang 40% na walang magiging pagbabago sa sunod na anim ba buwan, habang 4% ang walang tugon.
Tinutukan ng survey ang pananaw ng adult Filipinos hinggil sa kalidad ng buhay at ekeonomiya, na kinomisyon ng Go Negosyo. Mayroon itong ±3% margin of error at 95% confidence level. RNT/SA