Home METRO Kalahating kilong shabu nasabat sa buy-bust

Kalahating kilong shabu nasabat sa buy-bust

MANILA, Philippines- Nasa mahigit sa P3.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa dalawang hinihinalang tulak at kapwa nasa listahan ng High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City at Dasmarinas City, Cavite.

Sa report, nakuha ang tinatayang 500 gramo o kalahating kilo ng hinihinalang shabu mula sa suspek na si alyas ‘King,’ 37, isang Breeder ng Brgy. Talaba 1 Bacoor City, Cavite habang 25 gramo naman ang narekober mula sa suspek na si alyas ‘Ford’ ng Brgy. Sta. Lucia, Dasmariñas City, Cavite.

Batay sa ulat, dakong alas-8 ng gabi nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Bacoor Component City Police Station- Drug Enforcement Team na siyang lead unit at Cavite Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) sa Brgy. Talaba 1, ng nasabing lugar na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas ‘King.’

Nakumpiska mula kay ‘King’ ang 500 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P3,400,000, isang cellphone, isang eco bag at brown bag at buy-bust money.

Sa Dasmariñas City, Cavite, nagsagawa naman ng buy-bust operation ang pinagsamang pwersa ng PDEU Cavite PPO at Dasmariñas CCPS sa Brgy. Sta. Lucia, Dasmariñas City, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas ‘Ford’ dakong alas-9 ng gabi.

Narekober kay alyas ‘Ford’ ang tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P170,000; buy-bust money, isang cellphone at isang motorsiklo na Honda Click.

Tinatayang P3,570,000 ang halaga ng drogang nasamsam sa nasabing buy-bust operation. Margie Bautista

Previous articleBatas para sa motorcycle taxis pinabibilis na!
Next articleBadoy hinatulang guilty sa indirect contempt