Home METRO Kalakalan ng gulay sa Baguio, La Trinidad balik-normal na

Kalakalan ng gulay sa Baguio, La Trinidad balik-normal na

MANILA, Philippines- Balik na sa normal ang kalakalan ng mga gulay sa Baguio at La Trinidad in Benguet matapos maiulat na ipinamimigay o ibinebenta sa mababang halaga ang mga suplay ilang araw na ang nakalilipas, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules.

“Simula January 8 ay naging normal na uli ang trading dito sa ating mga trading center sa La Trinidad at Baguio. Makikita natin na as of 2 p.m. kada araw ay nauubos na uli at ang presyo ay bumabalik na rin sa normal para sa pangunahing gulay, lalo na ang cabbage, wombok, at mga carrots,” pahayag ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang panayam.

Ito ay matapos maiulat na natagpuan ng mag residente ang daan-daang repolyo na itinapon ng mga magsasaka sa tabi ng kalsada sa Tublay, Benguet, matapos hindi bilhin ng traders ang nasabing gulay. Ipinamigay naman ang mga repolyo, maging labanos mula sa isa pang truck.

Limang tonelada ng sariwang gulay din mula sa Benguet ang nakuha ng isang Marikina resident. Inisyal itong hindi tinanggap ng mga nagbebenta sa Balintawak, Divisoria, Taguig, Pasig, Tarlac, at Pangasinan bago ito maibenta sa social media. 

Iniugnay ito ni De Mesa sa mababang kalakalan ng mga gulay sa Baguio at La Trinidad nang pumasok ang 2024.

“Noong unang tatlong araw nitong January, doon sa ating trading center, ay kakaunti ang namili ng gulay noong unang tatlong araw at kakaunti ang trucking. Dahil dito, ‘yung mga ilang gulay na dapat ite-trade nung araw na ‘yun ay hindi nai-trade at nagkaron ng mahabang pila,” wika ng opisyal.

“Kaya ‘yung ibang na-deteriorate na gulay ay kung hindi ipinamigay ng libre, ay naibenta nang mura.” 

Sa kabila nito, binanggit ni De Mesa na walang oversupply ng gulay sa mga nabanggit na lugar, batay sa impormasyon mula sa DA Regional Field Office Cordillera at sa local government units. 

“Sinasabi at nakumpirma natin na wala namang oversupply ng mga pangunahing gulay dito sa Baguio Trading Center at ganun din sa La Trinidad. In fact, merong pang maliit na reduction sa production natin noong 2023 kung ikukumpara natin noong 2022,” aniya.

Ani De Mesa, sinisilip ng DA na magtayo ng karagdagang trading post sa Mountain Province upang maiwasan ang pangyayaring ito. RNT/SA

Previous articleDICT: Cyber incidents sa Pinas noong 2023 tumaas ng 62.44%
Next articleFil-Am patay sa pamamaril sa California