Home NATIONWIDE Kamara aasistihan ng DA sa pagpapalakas ng Anti-Agricultural Smuggling Act

Kamara aasistihan ng DA sa pagpapalakas ng Anti-Agricultural Smuggling Act

MANILA, Philippines- Bumuo ang Department of Agriculture (DA) ng technical working group (TWG) na tutulong sa mga mambabatas para amyendahan ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Sa katunayan, itinalaga ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. si DA Assistant Secretary for Regulations Atty. Paz Benavidez II bilang pinuno ng eight-member TWG na maghahanda ng posisyon at inputs ng Agriculture Department para sa konsiderasyon ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.

Napaulat na mayroong magkaibang hakbang ang Senado at Kongreso sa mga mapatutunayang ‘guilty’ sa agricultural smuggling at economic sabotage na parurusahan ng habambuhay na pagkabilanggo.

Sa ulat, inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9284 o Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act of 2023.

Aamyendahan nito at bibigyang-ngipin ang kasalukuyang RA 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Sa ilalim ng panukala, ang large-scale smuggling, cartelizing, hoarding, profiteering, at iba pang uri ng manipulasyon ng produktong agrikultural kasama ang isda at tabako, ay ituturing na economic sabotage na may parusang habambuhay na pagkakakulong.

Ang kasabwat o katulong sa ilegal na gawain ay mahaharap naman sa 30 hanggang 40 taong pagkakakulong.

Maliban pa ito sa multa na anim na beses na mas mataas kaysa sa fair market value ng ipinuslit o itinagong produkto. Para naman matutukan ang pagsasampa ng kaso tungkol sa economic sabotage, pinagtatatag ang Department of Justice (DOJ) ng special prosecution team.

Kasama rin sa probisyon na anumang produktong masasabat ay kukumpiskahin ‘in favor of the government’ —salig sa probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act at Price Act—at maaaring ipamahagi bilang ayuda basta’t makasunod rin sa food safety standards.

Ang panukala ay kabilang sa LEDAC priority measures ng Marcos Jr. administration.

Samantala, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang isang panukalang batas na nagpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa sinumang sangkot sa agricultural economic sabotage.

Sa botong 18 affirmative votes, zero negative vote, at zero abstention, inaprubahan ng Senado ang Senate Bill 2432 o ang proposed Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Itinakda ng panukalang batas ang alituntunin sa pagdedeklara ng kaso ng agricultural smuggling, hoarding, profiteering, o pagkakasangkot sa kartel bilang economic sabotage.

Partikular na tinukoy ng SB 2432 ang iba pang ipinagbabawal na pagkilos tulad ng pagpondo sa agricultural economic sabotage crimes, paggamit ng government facilities ng traders at iba pang private businesses.

Parurusahan ang sinumang lumabag sa batas ng pagkakakulong ng dalawang taon hanggang habambuhay at multa depende sa nagawang krimen.

Nakatakdang lumikha ang batas ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council, na gagalaw sa ilalim ng Office of the President o kanyang permanent representative.

Matatandaang sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasa ng panukalang nagbibibigay pakahulugan sa krimen ng agricultural economic sabotage — bagay na bubuo rin sa anti-agricultural economic sabotage council.

Kung maisasabatas ang Senate Bill 2432, haharap sa mga sumusunod na parusa ang mga opisyales ng gobyernong mapatutunayang sangkot sa naturang krimen “habambuhay na disqualification sa public office, habambuhay na disqualification sa pagboto, habambuhay na disqualification sa paglahok sa anumang pampublikong eleksyon at pagbawi ng monetary at financial benefits mula sa trabaho.”

Para naman kay Tiu Laurel, habang mayroong magkaibang bersyon ng panukalang batas at hakbang ng Senado at Kongreso, inaasahan naman niya na ang mabigat na kaparusahan laban sa offenders ay sapat na para ma-discourage ang mga itong masangkot sa smuggling ng agricultural products na maaaring humantong sa mas abot-kaya sa bulsang presyo ng pagkain at itaas ang kita para sa lokal na magsasaka.

“The current law only identifies large-scale smugglers as economic saboteurs and punishes them with life imprisonment and a fine twice the fair value of smuggled farm goods and total amount of taxes, duties and other charges,” ayon sa DA.

“Smuggling of agricultural products like sugar, corn, pork, onion, and garlic is considered large scale if the value is at least  P1 million and, in the case of rice, if the minimum value is P10 million,” dagdag ng ahensya. Kris Jose

Previous articleDBM naglunsad ng P1B project para sa malinis na tubig sa 75 munisipalidad
Next article5 local drug manufacturers bukas sa paggawa ng anti-TB medicine – PSAC