Home METRO Kampanya vs illegal gambling pinaigting ng NCRPO; lider ng mga iligalista sa...

Kampanya vs illegal gambling pinaigting ng NCRPO; lider ng mga iligalista sa QC timbog

Manila, Philippines- Sa pinaigting na kampanya ng National Capital Region Police Office laban sa naglipanang mga iligal na sugal ay naaresto kamakalawa ang hinihinalang administrador ng malaking iligalista sa Lungsod Quezon.

Kinilala ng mga tauhan ni NCRPO chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang naarestong isa sa mga pasimuno ng iligal na sugal sa QC na isang Bryan Z. Encarnacion, 38 at nakatira sa Barangay Krus na Ligas.

Si Encarnacion ang pinaniwalaang engkargado o administrador ng isang Alyas Perry na umano’y nasa likod ng malawakang lotteng operations sa Lungsod Quezon.

Sa spot report kay Gen. Nartatez ng NCRPO operatives sa pamumuno ni Lt. Col Edmar Christian Allen Tuburan ay sinabing nasamsam sa suspek ang mga gamit sa iligal na sugal at ang perang ginawang pantaya sa lotteng nang siya ay naaresto kamakalawa ng hapon sa Morato street, QC.

Sa kaugnay na balita, iniulat ng punong himpilan ng NCRPO na libo-libong mga suspek na sa iligal na sugal ang nalambat noong huling mga buwan ng nakaraang taon dahil sa pinaigting nitong kampanya laban sa mga iligalista sa Kalakhang Maynila.

Sa Lungsod Quezon pa lamang ay nagtala na umano ng mahigit 1,780 suspek ang mga nasakote ng kapulisan na umano’y kinabibilangan ng iligal na sugal na tupada, tong-its, mahjong, cara y cruz at lotteng o ang numbers game mula sa resulta ng Lotto EZ 2.

Sinabi ni NCRPO chief Gen. Nartatez na walang humpay ang gagawing anti-gambling operations ng kapulisan sa punong rehiyon ng bansa hangga’t may mga iligalistang namamayagpag sa alinmang sulok ng Kalakhang Maynila.

“Ang pagsugpo sa kriminalidad ang pangunahin naming tungkulin upang mabigyan ng payapang pamumuhay ang bawat pamayanan sa Merro Manila, pero hindi namin pwedeng pabayaan na lang ang paglipana ng mga pasaway sa iligal na sugal,” pahayag ni Gen. Nartatez. RNT

Previous article1 sa 3 Pinoy nabibiktima ng malware sa paggamit ng removable devices – ulat
Next articleMessi nagpaliwanag sa hindi pagsipot sa Hong Kong