Home NATIONWIDE Kampo ni De Lima maghahain ng supplemental motion for bail

Kampo ni De Lima maghahain ng supplemental motion for bail

94
0

MANILA, Philippines – Inihayag ng kampo ni dating senador Leila de Lima nitong Biyernes, Pebrero 10 na maghahain na sila ngayong buwan ng supplemental motion for bail para sa paglaya nito.

Ayon kay Atty. Filibon Tacardon, legal counsel ni De Lima, ito ay dahil natapos na ni dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos ang pagbawi nito sa testimonya laban sa senador.

“Binawi na ni Deputy Director Ragos ang kanyang salaysay at dahil dito naghahanda kami magsampa ng supplemental motion for bail,” ani Tacardon.

Ang pahayag na ito ay ginawa ni Tacardon kasabay ng ambush interview sa kanya sa pagpapatuloy ng pagdinig sa isa sa mga drug cases laban kay De Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court.

“Kung titignan natin, ‘yung unang pag-deny ng application for bail ni Senator Leila de Lima sa kasong ito, sinabi ng dating huwes na meron daw ebidensya laban sa kanya at ‘yung ebindesyang tinuturo… ay ‘yung mismong testimonya ni Deputy Director Ragos,” aniya.

“Ngayon, ito’y nabawi na… at kung ito ay paniniwalaan ng ating hukuman, ay sa palagay ng defense team, wala nang ebidensya,” dagdag pa nito.

Umaasa si Tacardon na maihahain nila kaagad ang motion for bail dahil sa paparating na naman na pagdinig sa Pebrero 24.

Anang kampo ni De Lima, naghahanda rin sila para sa mosyon na ibasura ang kaso.

Matatandaan na noong Mayo ay binawi ni Ragos ang mga alegasyon nito laban sa dating senador, at sinabing pinagbantaan kasi siya ni dating Justice secretary Vitaliano Aguirre para gumawa ng pekeng akusasyon laban kay De Lima.

Pinanindigan naman ni Ragos ang pagbawi sa testimonya niya noong Mayo, kasabay ng pagdinig.

“Pinanindigan talaga ni Rafael Ragos na lahat ng kanyang mga akusasyon noon kay Senator Leila de Lima ay pawang mga kasinungalingan lamang at ito ay bunga sa sinasabi niyang coercion at pag pre-pressure sa kanya mismo ni Secretary Aguirre,” ani Tacardon.

Noong Nobyembre 2022, itinanggi naman ni Aguirre na pinwersa niya si Ragos na gumawa ng alegasyon laban kay De Lima, na nagpakita pa ng video na boluntaryo umano itong tumestigo. RNT/JGC

Previous article2 patay, 5 sugatan sa car attack sa Jerusalem
Next articlePagpapahaba sa termino ng barangay, SK officials isinusulong sa Kamara