Home NATIONWIDE Kampo ni Quiboloy sa sex abuse accusers: Magsampa ng kaso

Kampo ni Quiboloy sa sex abuse accusers: Magsampa ng kaso

MANILA, Philipppines- Hinamon ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy nitong Miyerkules ang ilang dating miyembro ng kanyang simbahan na maghain ng reklamo laban sa kanya sa halip na iere ang kanilang akusasyon ng sexual abuse sa Senate hearing. 

Inihayag ng dating KOJC members, kabilang ang dalawang Ukrainians, sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Lunes na pinagsamantalahan sila at ibang miyembro ng simbahan.

Iginiit naman ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Ferdinand Topacio na mayroong “questionable” intent  ang pagpapatawag ng komiteng pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros sa susunod na pagdinig.

“Ang Senado ay hindi po ito piskalya, hindi po ito NBI (National Bureau of Investigation), hindi po ito kahit anong investigative body para sa krimen,” ani Topacio. 

“Ang mga imbestigasyon lang po nito ay in aid of legislation at anong legislation ang gustong amyendahan o isagawa ng Senado? Ang nangyayari po rito, ginagawa pong trial by publicity,” dagdag niya sa isang panayam. 

Pinag-aaralan umano ng kampo ni Quiboloy ang mga opsyon nito para sa susunod na Senate hearing, ayon kay Topacio. 

Pahayag pa ng abogado sa mga nag-aakusa sa pastor: “Kung ang kanila pong pakay ay mga tinatawag nilang reklamo, and’yan naman po ang ating piskalya, and’yan ang ating kapulisan, bakit hindi mag-file ng kaso? Bakit po sa ganitong pamamaraan ang ginagawa po nila?” 

“Ang kahulugan lang po n’yan, hindi kayang i-sustain itong mga alegasyon na ‘to sa korte kaya naghaharap po sila ng friendly forum kung saan kontrolado po nila ang proceedings at hindi pareha,” patuloy ni Topacio. 

“Wala po siyang balak na ito po ay iwasan o takbuhan,” anang abogado. RNT/SA

Previous articleP500K pabuya alok sa ikadarakip ng pumaslang sa OIC barangay chairman
Next articleMarcos: Epektibong transport system solusyon sa traffic congestion