ORDINARYONG usapin tuwing darating ang eleksyon ang pagpapa-alala sa mga botante na huwag iboto ang mga tumatakbong may kinalaman sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang lugar.
Paano nga naman matutuldukan ang paglipana ng sumisinghot ng droga kung ang mismong kapitan o kagawad ay gumagamit din o kaya naman kasabwat ng sindikato o mga pusher na nagbebenta nito?
Sabihin natin na mataas na rin ang bilang ng mga barangay na deklarado na ng awtoridad na drug-free subalit marami pa rin na lugar sa bansa ang hindi masawata ang bentahan ng iligal na droga bunsod nang walang pakialam ang mga opisyal na ipatigil ito.
Batay sa pinakahuling bilang ng Philippine National Police, 76.67 porsyento pa lang o 27,248 na mga barangay sa bansa ang ideneklarang drug-free mula sa 35,356 na una nang tinanggal sa mga lugar na impluwensyado ng ipinagbabawal na gamot.
Kaya naman kung hihimay-himayin ang datos na ito, tumaas ang mga barangay kung saan gumagamit pa rin ang ilang residente ng droga na ayon sa mga kritiko ay dahil umano sa malamyang kampanya ng awtoridad laban dito.
Paano nga naman tuluyan nang matigil ang paglipana ng itinuturing na salot sa lipunan na droga kung ang ilang opisyal na katulong sana ng kinauukulan ay pasimuno mismo ng kalakaran nito o kaya naman protektor ng mga tulak?
Hindi naman bago sa kaisipan ng sambayanan na ang ugat ng pangunahing krimen tulad ng pagpatay,rape,nakawan ay isinagawa ng mga nagugumon nito.
Sa madali’t sabi,marapat lang na ulit-ulitin ng kinauukulan sa mamamayan na walisin na ang mga kandidatong sabit sa kalakaran ng droga upang tuluyan na rin na magkaroon ng matiwasay at mapayapang komunidad sa bansang matitinong opisyal at samabayan ang nakatira.