Home METRO Kanong pedophile hinarang sa NAIA

Kanong pedophile hinarang sa NAIA

MANILA, Philippines- Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isa pang convicted American pedophile makaraang tangkain nito na pumasok sa bansa noong weekend.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI ang pasahero na si Nathan Lee Woodward, 56-anyos, na dumating sa Terminal 1 ng NAIA noong Enero 27 sakay ng flight ng Philippine Airlines mula Los Angeles.

Hinarang ng BI si Woodward makaraang magpositibo ang pangalan nito na nasa derogatory hit ng border control information system ng bureau nang i-scan ng opisyal ng BI ang kanyang pasaporte.

“He was immediately issued an exclusion order and boarded on the next available PAL flight to Los Angeles that very same day,” ani BI-BCIU overall deputy chief Joseph Cueto.

Batay sa rekord, si Woodward ay hinatulan ng korte sa Nevada noong 1990 sa paratang ng mahalay na gawain laban sa isang 14-taong-gulang na bata.

Bilang resulta ng kanyang paghatol, kinailangan siyang magparehistro bilang isang sex offender pagkatapos ng kanyang sentensya.

Ang Philippine immigration act ay tahasang nagbabawal sa pagpasok ng mga taong nahatulan ng mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude.

Samantala, iniulat din ng BI ang pagharang sa isa pang American sex offender noong Pebrero 5 sa NAIA Terminal 3.

Ang registered sex offender na kinilala bilang si Bennison Noveda Flores, ay dumating sakay ng isang United Airlines flight mula sa San Francisco. Nakalista siya sa California State Registry pagkatapos na nahatulan noon ng patuloy na pang-aabusong sekswal sa isang bata.

Nauna rito, inilunsad ng BI ang Project #Shieldkids campaign, na hinihimok ang mga mamamayan na iulat ang mga foreign sex predator sa bansa sa kanilang portal sa facebook.com/immigration.helpline.ph.

Sa isa pang hiwalay na ulat, inaresto ng mga tauhan ng BI sa bisa ng Warrant of Deportation ang isang American national na itinuring na undesirable alien matapos itong ideklarang persona non-grata ng isang komunidad sa Taytay, Palawan.

Kinilala ng BI ang Amerikanong si Daniel Earl Ayers, 59, na inaresto sa isinagawang operasyon ng BI Intelligence Operatives makaraang ituring itong undesirable alien matapos siyang matukoy bilang persona non-grata ng mga opisyal ng Bato, Sitio Cansilayan, Taytay, Palawan dahil sa maraming reklamo tulad ng pagmumura at hindi paggalang sa maraming residente at paghagis ng mga bagay at pagbigkas ng mga invective at pagbabanta ng pagpatay laban sa mga miyembro ng komunidad.

Una nang naging laman ng balita si Ayers sa Palawan matapos arestuhin noong Setyembre 2022 dahil sa pag-aari ng mga ipinagbabawal na species ng kahoy na ilegal na nakuha na iginiit niyang gagamitin sa pagtatayo ng bahay na labag sa Sec. 77 ng PD 705 o ang Forestry Reform Code of the Philippines.

Binigyang-diin ni Tansingco ang pangako ng BI na itaguyod ang batas at protektahan ang interes ng publiko.

“Our primary responsibility is to ensure the safety and security of our nation. This operation reflects our unwavering dedication to enforcing immigration laws and maintaining public order,” ani Tansingco.

Nai-turn over si Ayers sa Warden Facility ng BI sa Bicutan, Taguig kung saan siya mananatili hanggang sa pagpapatupad ng kanyang deportasyon. JAY Reyes

Previous articleP25M ismagel na yosi, maritime assets kumpiskado ng BOC
Next articleP1.5M tobats nasabat sa buy-bust