Home NATIONWIDE Kapakanan, kalusugan ng mga buntis tiniyak ni Bong Go

Kapakanan, kalusugan ng mga buntis tiniyak ni Bong Go

MANILA, Philippines- Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate committee on health and demography, na mahalagang matiyak na ang mga buntis ay nakatatanggap ng angkop na pangangalaga at suporta na kailangan nila para sa isang malusog na pamumuhay, pagbubuntis at panganganak.

Ngayong Buwan ng Kababaihan, nauna nang pinuri ni Go ang pagdiriwang ng ika-20 Pambansang Araw ng Buntis sa Robinsons Place sa Tagum City, Davao del Norte noong Marso 10.

Naging adbokasiya na ni Go na mapanatili ang maayos na kalusugan ng bawat mamamayang Pilipino, kabilang na ang mga buntis.

Ang taunang okasyon na pinangunahan ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society (POGS) – Southern Mindanao Chapter, ay naglalayong isulong ang kamalayan at access sa komprehensibong prenatal at postnatal care para sa mga buntis sa buong bansa.

“Lubos kong pinasasalamatan ang POGS – Southern Mindanao Chapter sa pag-oorganisa ng programang makatutulong sa kalusugan ng mga buntis,” ani Go.

Itinampok sa event ang serye ng educational workshops, pagsusuri sa kalusugan, at sesyon ng pagpapayo upang ma-empower ang mga buntis sa kaalaman at resources na kinakailangan para sa isang ligtas at malusog na pagdadalang-tao.

“Maraming salamat po sa mga dumalo at nakiisa sa programang ito. Nawa’y lagi niyo pong unahin ang inyong kalusugan at inyong kapakanan. Saludo po ako sa inyong pagsusumikap at sa inyong pagserbisyo sa inyong kapwa Pilipino,” ayon kay Go.

Para pagtibayin ang kanyang pangako sa layuning ito, binanggit ni Go ang makabuluhang progreso sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11148, kilala rin bilang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act,” sa panahon ng administrasyong Duterte.

Ang batas na ito ay nagbibigay-prayoridad sa kalusugan at nutrisyon ng mga ina at kanilang mga anak, lalo na sa pinakamahalagang unang 1,000 araw.

“Ipinagmamalaki kong sabihin na gumawa tayo ng malaking hakbang tungo sa pagtiyak na bigyan ng prayoridad ng gobyerno ang unang 1,000 araw ng buhay sa pamamagitan ng pagpasa ng Republic Act No. 11148 o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act noong administrasyong Duterte,” pagbabahagi ni Go.

Bukod dito, si Go rin ang pangunahing nag-isponsor at isa sa mga may-akda ng RA 11959, o ang Regional Specialty Centers Act. Ang batas ay nag-uutos sa pagtatatag ng mga Regional Specialty Centers sa loob ng mga kasalukuyang DOH regional hospitals. RNT

Previous articleWanted na lider ng gang, kasamahan nasakote
Next articleWastong aksyon sa RBH 7 transmittal ng Kamara binubusisi ng Comelec