MATINDING kalaban ng Department of Migrant Workers at ng ating mga kababayang nagnanais mag-abroad ang illegal recruitment. Marami-rami na rin ang nabiktima ng mga sindikato na naglustay ng pera ng mga biktima kapalit ang bogus na trabaho sa ibang bansa o kung makalipad man ay wala namang natupad sa mga pangakong nakasaad sa bogus na kontrata lalo na kung hindi naman lisensiyadong recruiter ang nagsagawa nito.
Hindi naman natin masisisi ang mga kababayang nasasadlak sa ganitong uri ng transaksyon. Maliban sa kakulangan sa kaalaman at impormasyon, nabubulag sila ng mga buwitre na armado ng matatamis na salita, panggugulang at kasakiman.
Pero mag-iingat din tayo, dear readers, dahil kabilang pala ang pagre-refer at pag-a-advertise ng employment abroad may kita man o wala sa kaso ng illegal recruitment. Nakasaad ito sa definition ng Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.
Kaya ang payo natin sa mga kababayang nagnanais mag-abroad, kumuha po kayo ng maraming impormasyon sa www.dmw.gov.ph at magsadya sa mga lisensiyadong recruiter na may valid registration sa Philippine Overseas Employment Administration.
∞∞∞
Napanood natin ang bagong programa nina dating Binibining Pilipinas 2012 first runner up Ali Forbes at dating director ng Department of Trade and Industry – Consumer Protection Advocacy Bureau Atty. Ansel Adriano.
Sa ika-apat na live episode sa kanilang Facebook page na “Tinig ng Konsyumer” kung saan kasama ang guest host na si Julia, inilahad nila ang ilang mga problemang kinakaharap ng mga konsyumer at kabilang na nga dito ay ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin.
Kasamang tinalakay ang pag-iwas sa pagbili ng mga depektibong Christmas light at pag-iingat upang makaiwas sa sunog dala ng firecrackers lalo na sa darating na Kapaskuhan at Bagong taon.
Napakasuwerte ng DTI dahil nadagdagan ang kanilang katuwang sa pagsusulong at pagbabantay ng kanilang adbokasya. Kaya dear readers, isama na ninyo sa listahang panonorin ang Tinig ng Konsyumer.
Para kay Ali, Atty. Ansel at Julia, MABUHAY!