Home NATIONWIDE Kapayapaan sa Israel, Palestine ipagdasal – CBCP

Kapayapaan sa Israel, Palestine ipagdasal – CBCP

Humiling ng panalangin ang Filipino Catholics sa Israel para sa kaligtasan ng mamamayan sa patuloy na karahasan laban sa militanteng grupong Hamas.

Binigyan-diin ng grupo sa panayam ng Radio Veritas ang kahalagahan ng panalangin lalo na ngayong lubhang mapanganib ang kalagayan ng mamamayan ng Israel at Gaza strip.

“Unang una po ay humihingi kami ng dasal, talagang kailangan po namin ng prayer warriors sa panahong ito. Ipanalangin natin na walang inosente, walang mga bata, walang mga sibilyan na madamay pa,” bahagi ng pahayag ng grupo.

Inilarawan ng grupo ang kalunos-lunos na sitwasyon sa lugar lalo’t idineklara ng pamahaaan ng Israel ang digmaan sa pagitan ng militanteng Hamas kasunod ng pang-atake nitong October 7 dahilan ng pagkasawi sa 900 na indibidwal habang libu-libo naman ang nasugatan.

Pinayuhan ng grupo ang kapwa Pilipino na nasa Israel at karatig na mga lugar na maging alerto at manatili sa kanilang mga tahanan upang makaiwas sa kapahamakan dahil mayroong mga Iron Dome System ang Israel na makatutulong masalag ang anumang bomba na pinakakawalan ng militanteng grupo.

Para sa natatanging intensyon na matigil na ang karahasan gayundin ang kaliwanagan ng isip ng mga lider tungo sa pagkakasundo, ang mga kumbento sa Israel ay tuloy-tuloy na nagdiriwang ng Banal na Misa.

“Dito sa Holy Land, lahat ng kumbento ay binigyan ng mandato na mag misa at magdasal; sana talaga yung mga leader ng kanya kanyang mga bansa ay mabigyan na ng kaliwanagan na itigil na nila itong gyera upang wala nang mamatay pa at madamay pa,” saad pa ng Filipino Catholics sa Israel.

Kabilang ang 39 na PIlipino sa Israel Defense Force reserve sa hiling ng grupo na ipanalangin dahil lantad sa labis na panganib dahil sa pagharap sa digmaan sa Gaza strip. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleAlituntunin sa balik-trabaho ng suspendidong abogado, nilinaw ng SC
Next articleNagso-solicit gamit pangalan ni Herbosa, ibinabala ng DOH