PARANAS, Samar- NANINIWALA ang mga awtoridad ang dating mga kasamahan rebeldeng New People’s Army (NPA) ang pumaslang sa barangay chairman noong Sabado sa bayang ito.
Kinilala ang biktimang si Punong Barangay Tito Llamado y Tablada, 59 anyos, ng Barangay Anagasi sa nasabing bayan.
Ayon kay Police Major Kim Windell P. Montilla, hepe ng Paranas Municipal Police Station, naglalakad ang biktima kasama ang kanyang misis patungo sa kanilang bukid ng bigla na lamang silang tambangan ng armadong mga kalalakihan.
Dito, walang babalang pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran kamatayan nito habang mabilis na tumakas ang mga suspek.
Nabatid na muling tumatakbo bilang Barangay Chairman ang biktima para sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections ngayong Oktubre.
Kinondena naman ng Police Regional Office 8 ang pamamaslang sa biktima at tugis ngayon ang rebeldeng NPA na responsable sa krimen.
Napag-alaman na dating kasapi ng komunistang grupo si Llamado at nagbalik-loob ito sa gobyerno para suportahan ang mga programa hanggang sa pinasok nito ang pulitiko para makapag serbisyo sa kanyang mga kababayan.
Nagpapatuloy naman ang ginawang pagtugis ng mga awtoridad laban sa mga suspek at nagpakalat na rin ng higit sa 11,000 police personnel sa naturang probinsya upang masiguro ang kaligtasan at tapat na BSKE sa darating na buwan./Mary Anne Sapico